Ebanghelyo: Jn 6: 51-58
Ako siyang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang laman ko ang tinapay na aking ibibigay alang-alang sa ikabubuhay ng mundo. Kaya nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng laman para kainin?” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n’yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw. Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking dugo. Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng Amang buhay at buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang ngumunguya sa akin. Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman ang ngumunguya ng tinapay na ito.”
Pagninilay
Ang tinapay at ang alak ay malaking bahagi ng kultura ng mga taga-Israel at ng iba pang mga bansa. Kung itatapat natin sa kultura ng Pilipino, ang tinapay ay mapapalitan ng kanin, at ang alak ay mapapalitan ng tubig o ng juice o softdrink. Bagaman malakas din kumain ng tinapay ang pinoy, gaya ng pandesal o tasty, mas gugustuhin pa rin ng nakararami na may kanin sa hapag kainan at tubig o softdrink para masasabing kumpleto ang handaan. Kahit na marami rin ang manginginom na pinoy, mas lamang pa rin ang umiinom ng tubig o juice/soda habang sila ay kumakain. Para sa Pilipino, ang kanin at ang tubig o juice/soda ang pangunahing pagkain na sumisimbolo ng buhay natin. Maliwanag sa mga Pagbasa sa linggong ito na nais ng Diyos na tayo ay mamuhay ng may karunungan (wisdom) at hindi kamangmangan (stupidity). Ang karunungan ay isang biyaya na mula sa Diyos at ito ay nakukuha sa mga aral na hango sa karanasan at pagninilay-nilay sa buhay. Mas mainam na tawagin tayo na madunong (wise) kaysa matalino (intelligent). Ang karunungan ay isang biyaya na magandang hingin sa Panginoon sa ating mga panalangin. Sa ating bansa, marami na masyado ang mga taong matatalino at maalam, subalit kulang na kulang ito para sa tunay na pagbabago ng simbahan at ng lipunan. Idalangin natin sa Diyos na tayo ay patuloy Niyang biyayaan ng mga mamumuno na may karunungan at may malalim na pananalig sa Diyos.
© Copyright Bible Diary 2024