Ebanghelyo: Mt 19: 13-15
May nagdala kay Jesus ng mga bata para ipatong niya ang kanyang kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo sila. Huwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng Langit.” At pagkapatong ni Jesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na siya.
Pagninilay
Bakit kaya malapit ang kalooban ni Jesus sa mga bata? Hindi kaya Niya alam na may mga batang sadyang makukulit, at ang iba naman ay maingay na pasaway pa, at ang iba naman ay palaiyak din? Marahil dahil walang asawa at anak si Jesus, masasabi nating sabik Siya sa piling ng mga bata. Ngunit kung Siya ay may nakababatang kapatid o isang guro ng isang paaralang elementarya, marahil naiiba ang Kanyang pagtrato sa mga bata. Sa ibang pananaw, marahil ang mas malalim na dahilan nito ay ang katotohanan na ang lahat ng nilalang ay anak ng Diyos, at Siya ang nag-iisang Ama ng lahat. Pinapahiwatig ni Jesus na ang wastong pakikitungo at pakikipag-ugnayan sa Diyos ay ang kilalanin Siya bilang mapagmahal, mapagpatawad, at mapagkalingang Ama na walang sawang nagaalok ng mas malalim na pakikipagtipan sa Kanya bilang mga anak na buo ang pananalig sa Kanya. Gabay natin ang Espiritu ni Jesus na madalas lumalayo sa mga tao upang makapag-isa sa Diyos na ang tawag ay “Abba.” Nawa’y biyayaan tayo ng taos-pusong paglilingkod na handang magalay ng oras, pagod, at talento para sa Diyos at sa Kanyang sambayan.
© Copyright Bible Diary 2024