Ebanghelyo: Mateo 18:15-20
Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin siya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano. Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian ninyo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan ninyo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit. Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo na nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Ngalan ko, kapiling nila ako.”
Pagninilay
Ang kumpisal ay isa sa mga sakramentong hindi mabigyan ng tamang pansin o halaga sa panahon ngayon. Mayroong mga taong nagsasabing hindi na lang mangungumpisal dahil direkta na lamang silang magkumpisal sa Panginoon. Ano ba talaga ang sakramento ng kumpisal? Ang kumpisal ay ang sakramento ng pakikipagkasundo sa Diyos at sa pamayanan. Hindi tayo humihingi ng kapatawaran sa pari. Ang pari ang inatasan mula sa bisa ng kanyang ordinasyon sa kapangyarihan ng pagpapatawad na ibinigay ng mga apostoles. Ang sakramento ng pakikipagkasundo ay ipinagpapatuloy ng mga obispo at ibinabahagi sa mga kaparian. Sa kumpisal, ang pari din ang kumakatawan sa sambayanang sugatan sa bawat panahong tayo’y nagkakasala dahil binyagan tayong kabahagi sa katawan ni Kristo. Wika ni Papa Francisco, ang kumpisal ay sakramento ng kaligayahan kung saan lumalapit tayo hindi para parusahan; samakatuwid, tulad ng isang batang lumalapit sa ama upang matamo ang kanyang yakap at matanggap ang kanyang mapagpalang pagibig at awa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023