Ebanghelyo: Mateo 19:16-22
Nang oras ding iyon, lumapit sa kanya ang isang binata at nagtanong: “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus: “Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.” At sinabi naman ng binata: “Anong mga utos?” Sumagot si Jesus: “Huwag papatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri ng kapwa, igalang ang iyong ama at ina, at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”
At sinabi sa kanya ng binata: “Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa ang kulang ko?” At sinabi ni Jesus: “Kung gusto mong maging ganap, umuwi ka’t ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.”
Pagkarinig ng binata sa pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya.
Pagninilay
Money is the root of all evil. Isa ito sa mga kilalang kasabihan tuwing napapag-usapan ang kayamanan at pera. Ngunit, pera nga ba talaga ang ugat ng lahat ng kasamaan? Hindi sinabi sa Ebanghelyo na masama ang mayamang binata. Binigyan siya ni Jesus ng pagkakataon na lumapit at magtanong. Ang naging tugon ni Jesus ay isang hamon na ipagbili niya ang kaniyang kayamanan at ipamigay sa mga dukha. Lumisan nang malungkot ang binata sapagkat hindi niya kayang gawin ang hamong ito. Tayong lahat ay may kayamanang taglay, at napakaraming pagkakataong ito ay nais lamang nating itago para sa ating sarili at sa mga taong malapit sa atin. Ang kayamanan ay hindi lamang pera, maaaring ito ay kakayanan, talento o talino. Sa maraming pagkakataon, ibinabahagi lamang natin ito kung tayo ay makikinabang mula rito. Ang hamon sa atin ngayon: “Handa ka bang ialay ang iyong ‘kayamanan’ sa kapwa nang hindi naghihintay ng kapalit na sasangayon sa iyo?” Sapagkat ang iyong “OO” ay ang maghahatid sa iyo ng buhay na walang-hanggan
© Copyright Pang Araw-Araw 2021