Ebanghelyo: Mateo 19:13-15
May nagdala kay Jesus ng mga bata para ipatong niya ang kanyang kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo sila. Huwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng Langit.” At pagkapatong ni Jesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na siya.
Pagninilay
Kumusta naman ang mga bata ngayon? Nasa pangangalaga ba sila ng kanilang mga magulang? Responsibilidad at bahagi nang kanilang misyon bilang mga magulang ang mailapit at maipakilala nila sa kanilang mga anak kung sino ang Diyos sa buhay nila at kung paano magkaroon ng pundasyon ang kanilang pananampalataya. Sa Ebanghelyo, pinagalitan ni Jesus ang mga alagad sa kanilang pagbabawal na lumapit ang mga bata sa kanya. Ang mga bata noon ay walang silbi sa lipunan, kaya’t hindi sila binibigyan nang halaga. Pero kay Jesus, napakahalaga nila. Kapag hindi sila inalagaan habang sila’y bata at maimulat sa wasto at tamang pagkilala sa Diyos, magdudulot ito ng malaking problema sa lipunan.
Ang mga magulang at lipunan ngayon ay masyadong abala sa
napakaraming bagay, tulad ng pagpapayaman. Nakakaligtaan nang tutukan ang mga pag-uugali, lalo na ang pananampalataya na dapat kamulatan ng mga bata ngayon. Maraming bata ang napapariwara at naabuso dahil sa kapabayaan ng mga nakatalagang magbantay sa kanila. Nawa’y patuloy nating gampanan ang pagiging mabuting ehemplo sa mga bata. Kung hindi man tayo ang maging dahilan nang paglapit nila sa Diyos, nawa’y hindi rin tayo ang dahilan nang kanilang paglayo sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022