Ebanghelyo: Mateo 19:3-12
At lumapit sa kanya ang ilang Pariseo na hangad siyang subukan, at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?”
Sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa na sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”
At sinabi nila: “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ang babae ng kasulatan ng diborsiyo bago siya paalisin?” Sinabi naman niya sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa, ngunit hindi ganito sa simula. At sinasabi ko naman sa inyo: kung may magpaalis sa kanyang asawa, maliban kung dahil sa pagtataksil, at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya.”
Sinabi naman ng mga alagad: “Kung iyan ang itinatadhana para sa lalaking may-asawa, walang pakinabang sa pagaasawa.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi matatanggap ng lahat ang salitang ito, kundi ng mga pinagkalooban lamang nito. May ilang ipinanganak na hindi makapag-aasawa. May iba namang ipinakapon ng tao. At may iba ring tumalikod sa pag-aasawa alang-alang sa kaharian ng Langit. Tanggapin ito ng puwedeng tumanggap.”
Pagninilay
Mainit na pinag-uusapan ang “divorce” sa bansa Maganda pagnilayan kung bakit nais itong isulong ng ating mga mambabatas at bakit sang-ayon ang maraming Pilipino rito. Karamihan sa mga sumusuporta rito ay hindi na masaya sa kanilang naging desisyon. Nagkamali sila ng desisyon nang sila ay magpakasal. Sa umpisa pa lang may mali na, pero itinuloy pa rin ang pagpapakasal. May mga napilitan lamang dahil nabuntis at ito ang kadalasang dahilan. Mismong mga magulang ang nagpumilit na ipakasal ang kanilang mga anak. Isang pagkakamali na ang nagawa, susundan pa nang isang maling desisyon. Pagkatapos makasal, doon na magsisimula ang kalbaryo. Doon pa lang nila nakikita at nakikilala ang ugali ng bawat isa. At dahil hindi na masaya, maghihiwalay na lang sila. Kaya nga ang Simbahang Katoliko ay naninindigan na hindi ito dapat minamadali. Maraming seminar at mga requirement para matiyak kung buo ba ang desisyon nang magpapakasal. May mga pagkakataon na hindi pinapayagan ng simbahan o pari na ikasal ang dalawang tao dahil ayon sa pagsusuri ay hindi pa sila handa. Ganunpaman, muli tayong pinaaalalahanan na bagamat matitigas ang ating mga ulo, mananatili pa rin at hindi mababago ang desisyon ng Diyos nang itatag niya ang sakramento ng pag-aasawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022