Ebanghelyo: Mateo 18:15-20
Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo Siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig Siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid.Kung hindi naman Siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin Siya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano.
Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian ninyo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan ninyo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.
Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo na nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Ngalan ko, kapiling nila ako.”
Pagninilay
Binibigyang diin ng ebanghelyo ang kahalagahan ng pagtatama sa mga kapatid nating napapariwara. Sa aklat ng Levitiko ukol sa daan ng kabanalan, ang hindi pagtatama sa kapatid ay labag sa pagiging banal. Ngunit paano kung hindi ito makinig sa atin kahit nagawa na natin ang lahat? Nangangahulugan ba na ang pagturing sa kanila bilang mga publikano ay katumbas ng ekskomunikasyon? Hindi! Alalahanin natin na ang proyekto ni San Mateo ay ang mga Hentil. Itinuro ni Jesus na ang pagpapatawad ay walang hanggan at kung ito ang batayan, nangangahulugan na ang pagturing sa mga ito bilang mga publikano o taga-labas ay magiging tuloy-tuloy na proyekto. Ibig sabihin, hindi kinakailangang bitawan hanggang matuto sila.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021