Ebanghelyo: Mateo 18:1-5, 10, 12-14
Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya, “Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. “Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit. “Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito.”
Pagninilay
Hinahamak ang maraming bata sa ating bansa sa pamamagitan ng ‘’child labor,’’ ‘’child pornography,’’ ‘’child abuse,’’ at iba’tiba pang krimen na nakakasakit at umaabuso sa mga bata. Tatanggap ang mga nang-aapi sa mga batang ito ng mabigat na parusa buhat sa Diyos, at sana rin buhat sa hustisya ng ating bansa. Kahit kadalasan malayo sa ating mga kamay ang pagtigil ng sitwasyong ito, meron tayong magagawa para sa kanila. Sinabi rin ni Jesus na ‘’ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin.” Meron tayong kayang gawin para sa mga bata sa ating simbahan o ibang institusyong may pagmamalasakit sa edukasyon at kalusugan nila. Madali namang magbigay sa kanila ng kongkretong tulong, at higit sa lahat, tatanggapin ni Jesus ang ating tulong na parang sa kanya natin ginawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020