Ebanghelyo: Juan 12:24-26
“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, namamalaging nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi ito namamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay ito, nagdudulot ito ng maraming bunga. “Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito ngunit iingatan naman ito para sa buhay magpakailanman ng napopoot sa kanyang sarili sa mundong ito. “Patuloy akong sundan ng naglilingkod sa akin at kung nasaan ako, naroon din ang aking lingkod. Kung may naglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.
Pagninilay
Sa panahon nang pandemya dulot ng covid-19, marami ang natakot mamatay. Marami rin ang nawalan ng trabaho at kabuhayan, kaya’t marami ang nagutom. Sa mga ganitong kalagayan, nauunawaan naman natin kung bakit marami sa mga tao ang mas pipiliing unahin ang kanilang sariling kapakanan kaysa isipin ang pangangailangan ng kapwa. Ako muna bago sila.
Sa Ebanghelyo ay kabaligtaran ang turo ni Jesus. Ang mas naising magbigay ng buhay kaysa ang ipagdamot ito. Sa bawat sakripisyong ating ginagawa, nagdudulot naman ito ng kaginhawaan para sa iba. Nakakalungkot isipin na marami sa mga tao na sa kabila ng kahirapang dinaranas, ay nakukuha pang magnakaw o kuhain ang para sana sa mas higit na nangangailangan. Sa halip na tularan sila, mas pakinggan natin ang sinasabi ni Jesus. Ang bawat taong handang mag-alay ng kanyang sariling buhay ay ang siyang mas magkakamit ng buhay at kaligayahang pinangako ni Jesus. Tularan natin si San Lorenzo na nagalay ng kanyang buhay at hindi natakot mawalan nito. Tayo rin naman ay pararangalan din sa langit kung handa tayong magsakripisyo upang mas mabuhay ang iba.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022