Ebanghelyo: Mateo 18:1-5, 10, 12-14
Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?”
Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin.
“Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.
“Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito.
Pagninilay
Ang mga alagad sa Ebanghelyo ay sadyang hindi rin nakaligtas sa mga papuri at kasikatang kanilang nararanasan dahil sa pagiging alagad nila ni Jesus. Nadala rin sila sa tukso nang pagpapagalingan. Sino ang pinakadakila? Sino ang pinakamagaling?
Ito ay ang siyang nagiging dahilan ng pagkakawatak-watak natin. Hindi masama ang maging magaling. Dapat naman talaga ay tinutuklas pa natin ang ating mga natatanging galing na biyayang ibinigay ng Diyos. Pero ang magpagalingan? Doon tayo nagkakaproblema, lalo na kung ang hangad natin ay mas maging magaling sa lahat. Marami ang hirap na tumanggap na may mas magaling pa sa kanila na nagiging dahilan ito upang magsiraan at maghilaan pababa. Ayaw nating nauunahan tayo ng iba.
Kayat winika ni Jesus, “hanggang hindi kayo tumutulad sa isang paslit, ay hinding hindi kayo makakapasok nang langit.” Wala tayong mararating at masasayang lamang ang ating mga pinagpapaguran kung ang tanging hangad natin ay lampasan ang kagalingan ng iba. Mas mainam na matuto makipagkaisa upang marating natin ng samasama ang ating iisang destinasyon, ang langit kung saan ang lahat ay pantay-pantay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022