Ebanghelyo: Mateo 14:22-36 (o Mateo 15:1-2, 10-14)
Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, magisa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nagiisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin. Nang madalingaraw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglala kad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.” At sinabi niya: “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at nagsimulang lumubog. Kaya sumigaw siya: ”Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong maliit ang pananampalataya, bakit ka nagalinlangan?” Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!” Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. Nakilala si Jesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.
Pagninilay
Parating kasama ni Jesus ang mga alagad ngunit sa pagkakataong naglakad si Jesus sa tubig, nagalinlangan si Pedro sa sinabing, “kung ikaw ang Panginoon, pahintulutan mo akong lumakad sa tubig patungo sa Iyo.” Alam ni Jesus ang kanyang pagaalinlangan at takot. Pumayag siya ngunit nadala nang ihip ng hangin ang pananalig ni Pedro at muntikan siyang malunod. Sa kanyang paghingi nang saklolo kay Jesus, iniabot ni Jesus ang kanyang kamay upang iligtas siya. Higit ang pangunawa ni Jesus sa mga alagad na kahit sa kanilang mga pagaalinlangan, nariyan para sa kanila. Ganito ang pagtitiwala ni Jesus. Kahit mahina ang ating pananampalataya at may roon tayong takot at pagaalinlangan, nariyan pa rin ang kamay ni Jesus upang tayo’y sagipin. Nawa’y matulad ang ating pananampalataya sa may sakit na naghahanap kay Jesus na kahit mahawakan la mang niya ang dulo nang kanyang damit ay gagaling sa karamdaman. Tibayan natin ang ating pananampalataya!
© Copyright Pang Araw-Araw 2023