Ebanghelyo: Mateo 17:22-27
Minsan nang maglakbay si Jesus sa Galilea kasama ang Labindalawa, sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot. Nang makapasok na sila ng Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga tagakolekta sa Templo at tinanong nila siya: “Nagbabayad ba ng buwis ang guro ninyo?” Sumagot siya: “Siyempre.”
At pumasok si Pedro sa bahay ngunit agad siyang tinanong ni Jesus: “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang nagbabayad ng buwis o parangal sa mga hari ng mundo: ang mga anak ba o ang iba?” Sumagot si Pedro: “Ang iba.” At sinabi ni Jesus: “Kung gayon, di-saklaw ang mga anak. Ngunit hindi rin natin dapat saktan ang mga taong ito kaya pumunta ka sa dagat, maghagis ng bingwit at buksan ang bibig ng unang isdang iyong mahuhuli. May pera kang matatagpuan doon, kunin mo iyon at magbayad ka para sa iyo at sa akin din.”
Pagninilay
Obligasyon ng bawat isa ang magbayad ng buwis upang suportahan ang mga programa ng pamahalaan. Ito ay nilinaw ni Jesus sa Ebanghelyo kahit pa hindi siya obligadong gawin ito. Mas ninais Niyang magbigay ng halimbawa sa kanyang mga alagad ng tamang pagtingin sa pamahalaan. Ang buwis ay mahalaga para sa kapakanan ng isang bansa.
Sa kabila ng mga kabi-kabilang mga eskandalo ng “corruption” sa ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan na kinasasangkutan ng mga tiwaling opisyal, hindi ito dapat gawing dahilan ng mga tao para hindi magbayad ng tamang buwis. Hindi uunlad ang bansa kung ang lahat ay mag-iisip nang hindi tama. Kailangan nating ituwid ang anumang pagkakamali sa pagpapataw ng buwis sa mga tao. Kahit pa may mga taong dinadaya ang kanilang pagbabayad, huwag natin silang tularan dahil tayo rin namang lahat bilang mamamayan ang maaapektuhan.
Sikaping maging mabuting Kristiyano sa pamamagitan nang pagganap nang ating tungkulin hindi lamang sa Diyos, pati na rin sa bayan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022