Ebanghelyo: Mateo 17:14-20
Pagdating nila sa kinaroroonan ng mga tao, lumapit kay Jesus ang isang lalaki, lumuhod sa harap niya at nagsabi: “Ginoo, maawa ka sa aking anak na lalaki na may epilepsi at lubhang nahihirapan. Madalas siyang mahulog sa apoy at kung minsan nama’y sa tubig. Dinala ko na siya sa mga alagad mo pero hindi nila siya napagaling.”
Sumagot si Jesus: “Mga walang pananampalataya at ligaw na tao kayo! Gaano pa katagal na panahon ako mananatili sa piling ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin.” At inutusan ito ni Jesus, at umalis sa kanya ang masamang espiritu. At gumaling ang bata sa sandaling iyon.
Pagkatapos ay nilapitan si Jesus ng mga alagad, at tinanong nang sarilinan: “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sapagkat maliit ang inyong pananampalataya. Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi sana ninyo sa bundok na ito na gumalaw mula rito at gagalaw ito. At walang magiging imposible para sa inyo.
Pagninilay
Lagi kong pinapaalalahanan ang mga seminarista noon na bago sila pumunta sa kani-kanilang mga “apostolate areas” na maglaan muna ng kahit kalahating oras na personal na panalangin. Ito ay magpapaalala sa kanila na ang kanilang ginagawa ay trabaho ng Diyos at hindi ng kung ano man. Mas nagiging epektibo ang kanilang ministeryo kapag nakaugat sila sa Diyos. Ganoon din ang Panginoong Jesucristo, parati siyang naglalaan ng oras para manalangin sa Ama lalong lalo na bago siya gumawa ng himala. At ito marahil ang naging hamon para sa mga apostoles, kinakailangan nilang papagtibayin muna ang kanilang relasyon sa Diyos bago maging epektibo sa kanilang misyon. Bukod sa misa at ilang debosyon, tayo ba ay may nakalaan laging oras para sa personal na panalangin?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021