Ebanghelyo: Mateo 16:13-23
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong Niya ang Kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.”
Sinabi Niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit.
At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
At inutusan Niya ang Kanyang mga alagad na huwag sabihin kanino man na Siya nga ang Mesiyas.
Mula sa araw na iyon, ipinaalam ni Jesucristo sa Kanyang mga alagad na kailangan siyang pumunta sa Jerusalem: pahihirapan Siya ng mga Matatanda ng mga Judio, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin Siya at muling babangon sa ikatlong araw.
Dinala naman Siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan: “Huwag sana, Panginoon! Hindi ito puwede.”
Ngunit hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi sa Kanya: “Sa likod ko, Satanas! At baka mo pa ako tisurin. Hindi sa Diyos galing ang iyong iniisip kundi mula sa tao.”
Pagninilay
Sa pagbibigay ko ng eksamen sa aking mga estudyante noon, hindi ako masyadong nagbibigay ng “objective” na uri ng pagsusulit. Ito ay sa kadahilanang nais kong malaman kung natutunan talaga ng estudyante ang leksiyon. Hindi ako kuntento sa paraan ng “memorization” dahil mas mainam sa akin kung ito ay kayang ipaliwanag ng malalim ng magaaral. Ganito rin marahil ang karanasan ni Pedro. Tama ang kanyang sagot na si Jesus ang Anak ng Diyos na Buhay ngunit iba ang kanyang pagkakaunawa sa pagiging Mesiyas ni Jesus. Marahil para kay Pedro, si Jesus ang magdadala sa kanila sa rurok ng kanilang tagumpay at magpapalaya sa kanilang pagkaalipin. Ngunit ibang kalayaan ang hatid ni Kristo: ang paglaya sa apoy ng kasalanan. Makilala nawa natin nang lubusan ang Kristong ating sinusundan. Hindi ito magdedepende sa ating mga napag-aralan kundi sa malalim na ugnayan natin sa Kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021