Ebanghelyo: Mateo 15:21-28
Pagkaalis sa lugar na iyon, pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon na nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David, maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae.” Ngunit hindi Siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang Kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito: “Paalisin mo na siya’t sigaw Siya nang sigaw sa likod natin.”
At sinabi sa Kanya ni Jesus: “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.”
Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!” Sumagot si Jesus: “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Sumagot ang babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” Kaya nagsalita sa Kanya si Jesus: “Babae, napakalaki ng iyong pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang Kanyang anak.
Pagninilay
Sa “outreach program” na inilunsad ng aming parokya para sa mahihirap ay ibinukas namin ito para sa lahat maging ano man ang relihiyong kanilang kinabibilangan. Nakakataba ng puso na marinig sa mga taong nabibilang sa ibang relihiyon ang kanilang pasasalamat dahil sa aming pagtulong. Hindi lamang sa paraan ng pangangaral ang pagpapahayag sa Kaharian ng Diyos. Higit dito ay ang ating pagiging bukas para sa iba katulad ng ipinamalas ng ating Panginoong Jesucristo sa babaeng humiling na mapagaling ang kanyang anak na inalihan ng demonyo. Hinahamon tayo ng ebanghelyo na hindi tayo maging eksklusibo sa ating mga kauri lamang. Matuto nawa tayong makita rin ang Panginoong Jesucristo sa mga taong hindi kaanib sa ating relihiyon dahil tulad natin, sila rin ay mga anak ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021