Ebanghelyo: Mateo 14:1-12
Umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: “Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kayanagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan.” Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo siya puwedeng maging asawa.” Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya, pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang isang propeta. Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang pangakong ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: “Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan; inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina. At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita ito kay Jesus.
Pagninilay
Sino ba ang taong makapangyarihan? Ang taong maraming pera at kakilalang tanyag? O ang taong may kontrol sa sarili at sariling konsensiya ang sinusundan? Makapangyarihan si Herodes sa tingin ng marami dahil ipinakulong at pinapugutan niya ng ulo ang taong nagsalita laban sa kanya. Pero ang totoo, alipin lang siya ng bisyo, ng tingin ng iba sa kanya, at ng pagnanasa. Ipinakulong niya si Juan at ipinapatay pa dahil sa katalinuhan ni Herodias, sa kagandahan ni Salome, at sa mga bisitang nakarinig ng kanyang pangako. Hindi sinusunod ni Herodes ang kaniyang konsensiya, sa halip, pinili niyang pasayahin ang iba, kahit hindi dapat ang kanyang ginagawa. Naranasan mo rin bang maging alipin ng iba, sa halip na gawin ang alam mong nararapat?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020