Ebanghelyo: Juan 10:1-10
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magnanakaw at tulisan ang hindi dumaraan sa pintuan pagpasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumukso sa ibang dako. Ang pastol ng mga tupa ang pumapasok sa pintuan. Pinagbubuksan siya ng bantay-pinto, at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig. At tina tawag niya sa pangalan ang sarili niyang mga tupa at inaakay palabas. Kapag napalabas na niya ang tanang kanya, sa harap nila siya nagla lakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, pagkat kilala nila ang kanyang tinig. Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan kundi lalayuan nila ito sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng mga dayuhan.”
Ito ang talinhagang sinabi ni Jesus sa kanila. Ngunit hindi nila naintindihan ang gusto niyang sabihin sa kanila.
Kaya sinabi uli ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ako siyang pintuan ng mga tupa. Magnanakaw at tulisan ang lahat ng nauna sa akin. Ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako siyang pintuan; kung may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya, at papasok at lalabas, at makakatagpo ng pastulan. Hindi dumarating ang magnanakaw kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.
Pagninilay
Tinatawag ng pastol ang mga tupa sa kanilang pangalan, at sila nama’y nakakakilala sa kanyang tinig. Nangunguna ang pastol at sumusunod naman sa kanya ang mga tupa. Isang napakagandang larawan na pinakita ni Jesus sa kanyang relasyon sa kanyang mga tagasunod. Isa itong matalik at personal na ugnayan sa pagitan ni Jesus at ng kanyang kawan. Nagpakilala rin si Jesus bilang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Siya ang pintuang sanggalang sa banta ng mga kaaway. Siya ang pintuan patungo sa mainam na pastulan at malinaw na tubig na mabuti para sa mga tupa. Si Jesus ang ating Mabuting Pastol. Nais niyang maging malapit sa bawat isa sa atin at tayo’y maging isang kawan. Kung kaya’t marapat tayong makinig sa kanyang mga salita at sumunod sa tungkod ng kanyang mga utos na siyang gagabay upang hindi tayo mawalay. Walang tinatangi sa mga tupa. Bawat isa’y minamahal sa pagiging siya. Dahil dito, tayo ri’y inaanyayahang lingapin ang bawat isa pagkat walang mataas o mababa sa kawan ni Jesus. Lumapit tayo kay Jesus pagkat Siya ang Mabuting Pastol na kinalulugdan ang bawat isa sa atin na kanyang mga tupa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023