Ebanghelyo: Juan 13:16-20
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang aliping mas dakila sa kanyang panginoon, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya. Kung alam ninyo ito, mapalad kayo kung isinasagawa n’yo ang mga ito.
Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang mga hinirang ko. Ngunit kailangang maganap ang Kasulatan: Ang nakikisalo sa aking pagkai’y tumalapid sa akin.” Sinasabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari upang maniwala kayong Ako Nga kapag nangyari ito.
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ako ang tinatanggap ng tumatanggap sa ipinadadala ko, at ang nagpadala sa akin ang tinatanggap ng tumatanggap sa akin.”
Pagninilay
Noong gabing iyon ng Huling Hapunan, isa-isang hinugasan ni Jesus ang paa ng kanyang mga alagad. Gawain iyon ng isang aliping tagapag-lingkod sa bahay subalit minarapat ni Jesus na siya mismo na isang Guro, ang magsilbi sa kanyang mga disipulo. Walang dahilan ang mga alagad upang hindi sundan ang dakilang halimbawang ito ni Jesus. “Walang aliping mas dakila sa kanyang panginoon.” Walang pinipiling estado sa buhay ang paglilingkod. Mayaman man o mahirap, may pinag-aralan man o wala. Ang pagseserbisyo ay pagsasabuhay ng pagmamahal. Hindi ito gawain ng isang alipin kundi ng isang malayang nagmamahal sa Diyos at sa kapuwa. Halina’t sundan ang halimbawa ni Jesus na nagpakababa, nagmahal at naglingkod sa kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021