Ebanghelyo: Juan 6:52-59
Kaya nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng laman para kainin?” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n’yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw. Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking dugo. Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng Amang buhay at buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabu buhay ang ngumunguya sa akin. Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman ang ngumunguya ng tinapay na ito.” Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.
Pagninilay
Hindi magiging masigasig ang isang nananam palataya kay Kristo kung hindi nakikibahagi sa mga sakramento lalo’t higit sa banal na misa. Tinuturuan tayo ng katekismo na “ang Eukaristiya ang bukal at taluktok ng buhay Kristiyano.” Sa Eukaristiya, ating ginugunita at sinasariwa ang pag-aalay ni Jesus ng kanyang sarili upang maging pagkaing tinapay upang maangkin natin ang buhay na walang hanggan. Ang ating pakikibahagi sa Eukaristiya ay naghahatid sa atin sa bangkete ng Diyos sa Kaharian ng Langit kung saan walang makakaranas ng gutom at ng kawalan ng buhay. Ang Sacrosantum Concilium ng Vatican II ay naghihimok sa atin sa isang lubos, buong-isip at aktibong pakikibahagi sa banal na misa. Sa ating pagtanggap sa banal na komunyon, hilingin natin ang grasya ng pagpapanibago upang matulad tayo kay Jesus na handang magbahagi ng sarili para sa kapwa at upang ang Eukaristiya ay manatili sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023