Ebanghelyo: Juan 12:44-50
Malakas namang sinabi ni Jesus: “Ang nananalig sa aki’y hindi sa akin kundi sa nagpadala sa akin. Ang pumapansin sa aki’y pumapansin sa nagpadala sa akin.
Dumating ako na liwanag sa mundo upang hindi mamalagi sa dilim ang bawat nananalig sa akin. Kung may nakakarinig sa aking mga salita at hindi ito iniingatan, hindi ako ang humahatol sa kanya sapagkat dumadating ako hindi para hatulan ang mundo kundi para iligtas ang mundo.
May humahatol sa bumabale-wala sa akin at di tumatanggap sa mga pananalita ko. Ang salitang ipinangusap ko ang siyang hahatol sa kanya sa huling araw. Sapagkat hindi ako nangusap sa ganang sarili ko; ang nagpadala sa akin – ang Ama – siya mismo ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin ko at ipangungusap. Alam kong buhay magpakailanman ang kanyang utos. Kaya ang ipinangungusap ko’y ipinangungusap ko gaya ng sinabi sa akin ng Ama.
Pagninilay
Maliwanag ang buhay. Madalas nating isalarawan ang isang buhay at kinabukasan na masagana, kapakipakinabang at makahulugan bilang buhay na maliwanag. Sa kabilang banda naman, madilim na buhay ang isang buhay na walang direksyon, walang pag-asa at malapit sa kapahamakan. Nasa atin ang pagpapasya kung aling daan ang ating tatahakin. Bagama’t malinaw ang daan patungo sa kaliwanagan, marami pa ring mga taong pinipiling mamuhay sa kadiliman. Dumating si Jesus na liwanag sa mundo upang hindi mamalagi sa dilim ang bawat nananalig sa kanya. Idalangin natin ang mga kapatid nating nananatili sa kadiliman at akayin sila patungo sa liwanag. Ang ating buhay at karanasan mismo ng liwanag ni Jesus ang siyang magsisilbing patunay para sa kanila.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021