Ebanghelyo: Juan 6:22-29
Kinabukasan napuna ng mga taong nakatayo sa kabilang ibayo ng dagat na dati’y walang ibang bangka doon kundi isa lang at hindi sumakay sa bangka kasama ng kanyang mga alagad si Jesus kundi ang kanyang mga alagad lamang ang magkakasamang umalis. May iba amang malalaking bangkang galing Tiberias na dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay pagkapagpasalamat ng Panginoon. Kaya nang mapuna ng mga tao na wala roon si Jesus ni ang kanyang mga alagad, sumakay sila sa mga bangka at nagpa-Capernaum sa paghanap kay Jesus. Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng dagat, sinabi nila sa kanya, “Rabbi, kailan ka dumating?” Sumagot sa kanila si Jesus at sinabi: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap n’yo ako hindi dahil sa nakita n’yo sa pamamagitan ng mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain n’yo at nabusog kayo. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing namamalagi hanggang buhay na magpakailanman. Ito ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang mga gawa ng Diyos?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Ito ang gawa ng Diyos: patuloy kayong manalig sa sinugo niya.”
Pagniilay:
Nais ni Jesus na maniwala tayo sa kanya, hindi dahil naranasan natin ang pangdaigdigang kabutihan na kaloob niya kundi nais niya na patuloy tayong manalig sa kanya. Sinuman ang naniniwala sa kanya ay mas higit pa ang kanyang matatanggap. Maliwanag na sinabi ni Jesus, magtrabaho kayo para sa pagkaing namamalagi hanggang buhay na magpakailanman. Nasa kanya nga ang pagkaing kailangan natin. Hindi na tayo makakaramdam ng gutom at hindi na tayo maghahanap pa ng ibang pagkain dahil ang pagkaing bigay ni Jesus ay siyang pagkaing nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Si Jesus lamang ang makapupuna ng ating mga pangangailangan. Kung nasa buhay natin siya, wala na tayong dapat pang ipangamba sapagkat tutulungan niya tayo, gagabayan tayo at hindi tayo iiwan magpakailanman. Manalig tayo sa kanya at makinig sa kanyang mga aral. Nawa’y ang lahat ng ginawa ni Jesus ay magsilbing inspirasyon at motibasyon natin upang magiging matatag ang ating pananampalataya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020