Ebanghelyo: Juan 10:1-10
“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magnanakaw at tulisan ang hindi dumaraan sa pintuan pagpasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumukso sa ibang dako. Ang pastol ng mga tupa ang pumapasok sa pintuan. Pinagbubuksan siya ng bantay-pinto, at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig. At tinatawag niya sa pangalan ang sarili niyang mga tupa at inaakay palabas. Kapag napalabas na niya ang tanang kanya, sa harap nila siya naglalakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, pagkat kilala nila ang kanyang tinig. Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan kundi lalayuan nila ito sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng mga dayuhan.”
Ito ang talinhagang sinabi ni Jesus sa kanila. Ngunit hindi nila naintindihan ang gusto niyang sabihin sa kanila.
Kaya sinabi uli ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ako siyang pintuan ng mga tupa. Magnanakaw at tulisan ang lahat ng nauna sa akin. Ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako siyang pintuan; kung may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya, at papasok at lalabas, at makakatagpo ng pastulan. Hindi dumarating ang magnanakaw kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.
Pagninilay
“Ut Vitam Habeant” (Juan 10:10) Ito ang napiling motto ng noo’y bagong hirang na Obispo ng Prelatura ng Isabela, Basilan, si Obispo Leo Dalmao, isang Claretianong misyonero. Sa kanyang homiliya sa araw ng kanyang ordinasyon at pagtatalaga bilang obispo, inalala niya ang mga mananampalataya sa Basilan na “namatay sa pagtatanggol sa kanilang pananampalataya, mga maralitang magsasaka, mangingisda, Muslim, Kristiyano, lumad, mga taong namatay na biktima ng walang katuturang kaguluhan.” Wika pa nya: “Sa inyong mga nananatiling tapat sa inyong pananampalataya, mula sa inyo natuto ako kung papanong mamuhay na nasa dulo at laylayan ng lipunan… Karangalan kong magbalik at makibahaging muli sa inyong buhay.” Isang tunay na pastol ang handang mamuhay at magbigay ng buhay sa kanyang kawan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021