Ebanghelyo: Lucas 24:13-35
Nang araw ring iyon, dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong mga labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga nangyari. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus at nakisabay sa paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala. Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Tumigil silang mukhang malungkot. Sumagot ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas: “Bakit, mukhang ikaw lang ang kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga nangyari roon nitong mga ilang araw?” Itinanong niya: “Ano?” Sumagot sila: “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong baya’y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita. Ngunit isinakdal siya ng aming mga punongpari at mga pinuno para mahatulang mamatay at ipinako siya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito. Sa totoo’y ginulat kami ng ilang babaeng kasama namin. Maaga silang pumunta sa libingan pero hindi nila nakita ang kanyang katawan kaya dumating sila at sinabi sa amin na nakakita pa raw sila ng aparisyon ng mga anghel na nagsabi sa kanila na buhay siya. Nagpunta rin sa libingan ang ilan sa amin at natagpuan nga nila ang sinasabi ng mga babae pero hindi nila siya nakita.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Mga hindi makaunawa at mapupurol ang isip para maniwala sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta. Di ba’t kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago pumasok sa kanyang Luwalhati?” At sinimulan niyang ipaliwanag sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises hanggang sa lahat ng Propeta. Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. Pero pinilit nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila. At noo’y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?” Noon di’y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem. Nakita nila roon na magkakasama ang Labing-isa at ang iba nilang kasamahan. Sinabi ng mga iyon sa kanila: “Totoo ngang binuhay ang Panginoon at napakita siya kay Simon.” At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay.
Pagninilay
Ano nga ba ang dahilan kung bakit hindi agad nila nakilala si Jesus? Marahil ay naguguluhan pa rin sila sa balitang narinig tungkol sa pagkawala ng katawan ni Jesus sa pinaglayan nito. Wala ni isa ang nakakaalam kung ano talaga ang nangyari. Hindi nila naalala ang winika ni Jesus na siya ay magbabalik at kung naalala man nila ito’y hindi na nila siguro binigyan masyado ng pansin. Ang tagpo sa ebanghelyo ay nangangahulugan na totoo ngang si Jesus ay ang ating Panginoon. Na ang kanyang kapangyarihan ay higit pa sa kamatayan. Siya ang buhay na walang hanggan. Ipinakita ni Jesus na hindi ka dramahan ang kanyang mga itinuturo sa ating lahat. Ito’y mga katotohanan na magdadala sa atin tungo sa ating Amang Diyos na nasa langit. Si Jesus ang ating daan, siya ang ating kailangan, at siya ang liwanag sa ating daan. Kaya nararapat lamang na siya’ at ang Ama’y ating pasalamatan sa kanilang napakadakilang gawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020