Ebanghelyo: Marcos 16:15-20
At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at di sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.” Matapos silang kausapin ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila.
Pagninilay
Ang ebanghelyo ngayon ay ang tinatawag na “commissioning” o pinagkatiwala at sinugo ni Jesus sa kanyang mga alagad na pumunta sa buong daigdig at ipahayag ang Mabuting Balita sa buong mundo. Maliwanag ang pagkasabi ni Jesus, sinumang maniniwala at magpapabinyag ay maliligtas at ang mga hindi maniniwala ay hahatulan. Sinumang tatanggap ng Mabuting Balita at pinaniniwalaan ang mga turo ni Jesus ay magiging kaisa niya – hindi siya mapapahamak. Kahit sa huling araw na kasama nila si Jesus, pinaaalahanan pa rin niya sila. Ang pagpapaalaala na ito ay isang “assurance”, na sinumang gumagawa at sumusunod sa mga tagubilin niya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Hinihikayat tayo ng ebanghelyo na tumugon din tayo sa kalooban ng Diyos. Gawin natin ito na may pananalig at may mahigpit na pananamplataya. Huwag tayong mawalan ng pag-asa o sumuko kung tayo ay nahihirapan. Dumanas si Jesus ng mga pasakit pero batid niya kung ano ang kanyang misyon kaya naman nanatili siyang matatag. Gawin nating modelo si Jesus at hingin natin sa kanya ang sapat na grasya upang maipagpatuloy natin ang misyon natin nang naaayon sa plano ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020