Ebanghelyo: Lucas 24:35-48
At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” (Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.) Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda (at pulot-pukyutan). Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.
Pagninilay
“Hipuin ninyo ako.” Bilang mga monghang Karmelita, buhay namin ang manalangin para sa lahat ng tao at sa iba’t ibang pangangailangan. Sa tuwing may magpapasalamat sa mga “answered prayers,” namamangha pa rin kami sapagkat batid namin ito ay ipinagkaloob hindi dahil sa aming sarili kundi sa kapangyarihan ng pangalan ng Panginoon. Sa Unang Pagbasa, lubos na namangha at humanga kina Pedro at Juan ang mga Hudyo sa pagpapagaling sa lalaking lumpo. Subalit ipinaliwanag ng dalawa na hindi sila, kundi ang makapangyarihang pangalan ni Jesus at ang pananampalataya sa kanyang pangalan ang nagpagaling sa lumpo. Tunay na makapangyarihan ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba sinabi ni San Pablo na walang pangalang hihigit pa sa langit at sa lupa sa pangalan ng Panginoong Jesus? Kaya nga ang tugon natin sa Salmo, “Maningning ang iyong ngalan, Poon, sa sangkalupaan.” Kaya nga, sa ating Ebanghelyo, pagkatapos, na magpakita ang Panginoong Muling Nabuhay sa mga alagad na nagkakatipon, ipinaliwanag nya ang kasulatan, at isinugo sila upang magpagpahayag ng mabuting balita bilang mga saksi, sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesus at hindi ng sarili.
© Copyright Pang Araw-araw 2025