Ebanghelyo: Juan 6:1-15
Pagkatapos nito, nagpunta si Jesus sa kabilang ibayo ng dagat ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng makapal na tao dahil napansin nila ang mga tandang ginagawa niya sa mga maysakit. Umahon si Jesus sa bundok at naupo siya roon kasama ang kanyang mga alagad. Malapit na ang Paskuwa na piyesta ng mga Judio. Kaya pagkatunghay ni Jesus at pagkakita niyang marami ang taong pumupunta sa kanya, sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay para makakain ang mga ito?” Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya dahil alam na niya kung ano ang napipinto niyang gawin. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila para makakuha ng tigkakaunti ang bawat isa.” At sinabi naman sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May maliit na bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?” Madamo sa lugar na iyon kaya sinabi ni Jesus: “Paupuin n’yo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila, halos limanlibo ang mga lalaki. Kaya kinuha ni Jesus ang mga tinapay at pagkapagpasalamat at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin naman sa mga isda – gaano man ang gustuhin nila. Nang busog na sila, sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Tipunin ninyo ang natirang mga piraso para walang masayang.” Kaya tinipon nila ang mga tira ng mga pinakain, at labindalawang bakol ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada. Pagkakita sa tandang ginawa ni Jesus, sinabi ng mga tao: “Ito ngang talaga ang Propeta parating sa mundo.” At alam ni Jesus na parating sila upang agawin siya para gawing hari kaya lumigpit siyang muli na siya lamang mag-isa sa bulubundukin.
Pagninilay
Pinakain ni Jesus sa ebanghelyo ang napakaraming tao. Pero bago iyon, nagtanong siya sa mga alagad kung saan maaaring makabili ng tinapay para ipakain sa mga tao. Ang tugon ng alagad ay kahit na may dalawandaang dinaryong tinapay ay hindi pa sapat ito. Tinanong sila ni Jesus upang subukan ang kakayan nilang magisip at kung ano ang kanilang magagawa. Ipinakita ni Jesus sa tagpong ito na walang imposible sa taong naniniwala sa kakayahan ng Diyos. Ang mga sumusunod kay Jesus ay hindi lamang nauuhaw sa pagkaing ibinigay niya sa kanila kundi gusto rin nilang mapakinggan pa ang kanyang mga turo tungkol sa Diyos. Pero hindi ganon kadali para kay Jesus na ipaalam sa mga tao ang tungkol sa Ama. May mga ginawa siya na makapagpapatunay na siya ay mula sa Ama at siya nga ang ipinangako para sa sanlibutan. Isa ang pagpaparami ng tinapay at isda kung saan ang lahat ay nakinabang. Ito ay nagpapahiwatig na kapag ang Diyos ay nagbigay, ito ay sobra-sobra pa sa ating mga inaasahan. Si Jesus ang naging tulay natin sa Ama. Dahil sa kanya nakilala natin ng lubusan ang Diyos at naunawaan natin ang tunay niyang misyon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020