Ebanghelyo: Juan 3:31-36
Walang kapantay ang naparirito mula sa itaas. Makalupa naman ang mula sa lupa at makalupa rin ang sinasabi niya. Walang kapantay ang naparirito mula sa langit. Pinatutunayan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit wala ngang tumatanggap sa kanyang patunay. Pinagtibay naman ng tumanggap sa kanyang patunay na totoo ang Diyos. Sinasabi nga ng sinugo ng Diyos ang mga salita ng Diyos sapagkat walang sukat na ibinibigay sa kanya ang Espiritu. Mahal nga ng Ama ang Anak, at ipinagkatiwala sa kanyang mga kamay ang lahat. May buhay magpakailanman ang nananalig sa Anak. Hindi naman nakikita ng ayaw manalig sa Anak ang buhay kundi namamalagi sa kanya ang galit ng Diyos.
Pagninilay
Si Jesus ang patunay na ang Diyos ay buhay at totoo. Anuman ang ibinahagi ni Jesus sa sanlibutan ay nagmula sa kanyang Ama na nasa Langit. Ang Mabuting Balita na ipinahayag niya ay nagsasaad ng buhay na walang hanggan. Napakaganda talaga ang dala-dalang balita ni Jesus at upang maunawaan ito ay kailangan natin ng malalim na pananampalataya. Itinuturo niya sa atin ang mga dapat at di dapat nating gawin upang huwag tayong sumuway sa mga utos ng Diyos. Ang Diyos ay patuloy na tumatawag sa lahat, nawa’y tayong lahat ay tumugon sa tawag na ito. Hindi mawawala ang mga pagsubok sa buhay ngunit dapat nating tandaan na kapag ang Diyos ang tumawag at ito’y tinugunan natin, bibigyan niya tayo ng sapat na lakas at kakayahan upang malampasan ang anumang hamon at pagsubok sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020