Ebanghelyo: Juan 20:11-18
Nakatayo namang umiiyak sa labas si Maria sa may libingan. Sa kanyang pag-iyak, yumuko siyang nakatanaw sa libingan. At may napansin siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, isa sa may ulunan at isa sa may paanan ng pinaglagyan sa katawan ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” Pagkasabi niya nito, tumalikod siya at napansin niya si Jesus na nakatayo pero hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka umiiyak? Sino’ng hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Maria!” Pagkaharap niya’y sinabi niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni!” (na ibig sabihi’y Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag kang humawak sa akin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.’” Pumunta si Maria Magdalena na ibinabalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon.” At sinabi niya ang mga sinabi sa kanya.”
Pagninilay
“Bakit ka umiiyak?” Sariwa pa sa isipan ni Maria Magdalena ang kanyang nasaksihang karumaldumal na pagkamatay ni Jesus sa Krus. Nagmamadali pang inilibing ito dahil malapit na ang “Sabbath”. Kaya halos wala syang panahong magluksa. Ito ang kanyang damdamin at saloobin nang dumalaw sya madilim pa ng araw ng linggo sa libingan ng Panginoong Jesus. Kaya nga, sino ang hindi iiyak at maghahanap kung pagdalaw mo sa libingan ng iyong pinakamamahal ay matagpuan mong nawawala ang bangkay at hindi mo alam kung sino ang kumuha at saan dinala dito. Sa kanyang pag-iyak at sa kanyang paghahanap, nagpakita sa kanya ang Panginoong Muling Nabuhay. Natagpuan nya ang kanyang hinahanap at puspos ng kagalakan nyang nawika, “Nakita ko ang Panginoon!” Sa ating buhay marami tayong pag-iyak at paghahanap. Sa mga panahong ito, tinatanong din tayo ng Panginoon, “Bakit ka umiiyak? Sino ang iyong hinahanap?” Nawa, tulad ni Maria Magdalena ang ating mga pag-iyak at ating paghahanap ay magdala sa atin sa Panginoong Muling Nabuhay. Upang makita natin sya at mapuno tayo ng kagalakan ng Muling Pagkabuhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025