Ebanghelyo: Juan 3:16-21
Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinuhukuman ang nananalig sa kanya. Ngunit hinukuman na ang hindi nananalig pagkat hindi siya nananalig sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos. Ito ang paghuhukom: dumating sa mundo ang liwanag pero mas minahal pa ng mga tao ang karimlan kaysa liwanag sapagkat masasama ang kanilang gawa. Ang gumagawa ng masama’y napopoot nga sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, at baka malantad ang kanyang mga gawa. Lumalapit naman sa liwanag ang gumagawa ng katotohanan upang mabunyag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.
Pagninilay
Ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan ay napakadakila. Si Jesus na kanyang pinakamamahal na Bugtong na Anak ay isinugo niya upang tuparin ang kanyang ipinangakong kaligtasan para sa sanlibutan. Si Jesus ay ang natatanging pag-ibig o pagmamahal ng Diyos para sa lahat. Siya ang patunay na ang Diyos ay pagibig at palaging isinasaalang-alang ang ating kabutihan at kapakanan bilang kanyang mga anak. Ipinadala niya si Jesus upang ipadama sa ating ang dakilang pag-ibig ng Ama. Gumawa ang Diyos ng paraan upang tayo ay magbalik sa kanya. Sa pamamagitan ni Jesus, nakikilala natin kung sino ang tunay nating Ama sa Langit at kung bakit ganoon na lamang tayo kahalaga sa kanya. Ang pag-ibig ng Diyos ay suklian natin sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti at ng pakikinig sa mga turo ni Jesus. Nawa’y maging bukas tayo sa kalooban ng Ama para sa ating lahat. Sa pamamagitan nito mas lalo pa nating maunawaan ang tunay na kahulugan ng pag-ibig ng Diyos sa ating lahat.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020