Ebanghelyo: Juan 3:7b–15
Sinabi ni Jesus kay Nicodemo, “Huwag kang magtaka dahil sinabi ko sa iyong kailangan kayong isilang mula sa itaas. Umihip ang hangin kung saan nito nais, at naririnig mo ang ihip nito pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan ito patungo. Gayon din nga ang bawat isinilang mula sa Espiritu.” Sumagot sa kanya si Nicodemo: “Paano pupuwede ang mga ito?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ikaw ang guro ng Israel at hindi mo alam ang mga ito? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo: ang alam namin ang aming sinasabi at ang nakita namin ang aming pinatutunayan, at hindi naman n’yo tinatanggap ang aming patunay. Mga bagay na nga sa lupa ang sinasabi ko sa inyo at hindi kayo naniniwala, kaya paano kayo maniniwala kapag mga bagay sa langit ang sasabihin ko sa inyo. Walang umakyat sa langit maliban sa bumaba mula sa langit—ang Anak ng Tao. At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nananalig sa kanya.”
Pagninilay
Mahirap ang maniwala agad sa mga sabi-sabi kung ito ay hindi pa nakikita o nararanasan. May kasabihan nga na “to see is to believe”, maniniwala lang ako kapag ako na mismo ang nakakita o nakaranas. Hindi nga ganoon kadali ang paniwalaan si Jesus lalo na ang kanyang mga turo. Una, papaano natin masasabi na siya ay isang Diyos na galing sa langit gayong naging isa at namuhay siya kagaya natin? Ang mga ipinahayag niya tungkol sa kanya ay isang malaking palaisipan, ngunit ito’y kanyang naisakatuparan. Hindi madali ang kanyang ginawa upang tayo ay tulungang maniwala sa kanya at sa kanyang Mabuting Balita. Hindi tayo sinukuan ni Jesus, kahit pa man matigas ang mga ulo natin at maraming mga pagdadalawang-isip. Patuloy pa rin siya sa kanyang misyon. Nais ni Jesus sa ebanghelyo ngayon na matutunan nating mag-isip at tumalima sa kanyang mga aral at higit sa lahat ang manalig sa kanya magpakailanman.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020