Ebanghelyo: Juan 3:31-36
Walang kapantay ang naparirito mula sa itaas. Makalupa naman ang mula sa lupa at makalupa rin ang sina sabi niya. Walang kapantay ang naparirito mula sa langit. Pinatutunayan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit wala ngang tumatanggap sa kanyang patunay. Pinagtibay naman ng tumanggap sa kanyang patunay na totoo ang Diyos. Sinasabi nga ng sinugo ng Diyos ang mga salita ng Diyos sapagkat walang sukat na ibinibigay sa kanya ang Espiritu. Mahal nga ng Ama ang Anak, at ipinagkatiwala sa kanyang mga kamay ang lahat. May buhay magpakailan man ang nananalig sa Anak. Hindi naman nakikita ng ayaw manalig sa Anak ang buhay kundi namamalagi sa kanya ang galit ng Diyos.
Pagninilay
Minamahal ng Ama ang Anak at binigay sa kanya ang lahat. Kung ganun nga, bakit hinayaan ng Ama na magpakasakit at mamatay ang kanyang bugtong na anak? Meron bang amang nagmamahal na pagmamasdan lamang ang pagdurusa ng kanyang anak? Ang pagpapakasakit at pagkamatay na dinanas ni Jesus ay hindi nangangahulugan ng pagtalikod ng Ama na nagsugo sa kanya. Ang buong buhay ni Jesus ay naglalarawan sa katangian ng kanyang Ama. Sa pamamagitan niya ay nakita at naramdaman ng sanlibutan ang Diyos na di nakikita. Ang pag-aalay ni Jesus ng kanyang sarili ay nagpapakita ng dakilang pag-ibig ng Diyos na handa tuwinang maghandog ng sarili upang magkaroon ng buhay ang iba. Dahil sa pagibig na ito, naging masunurin si Jesus sa kalooban ng Diyos at dahil dito’y kinalugdan siya ng Ama. Hindi natapos ang lahat sa kamatayan. Muling nabuhay si Jesus upang bigyan tayo ng bagong buhay sa Kanya at maging inangking anak. Tulad ni Jesus, tayo nawa’y maging kalugod-lugod at magbigay papuri sa Diyos Ama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023