Ebanghelyo: Juan 18:1—19:42*
(…) Kaya ipinakuha noon ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. Pagkapulupot naman ng mga sundalo ng isang koronang tinik, ipinutong ito sa kanyang ulo at binalabalan siya ng kapang pulang-panghari, at naglapitan sa kanya sa pagsasabing “Mabuhay ang Hari ng mga Judio.” At pinagsasampal
nila siya. Nang muling lumabas si Pilato, sinabi niya sa mga Judio: “Narito’t inilabas ko siya sa inyo upang malaman n’yong wala akong matagpuang krimen sa kanya.” Kaya lumabas si Jesus,suot ang tinikang korona at ang kapang pulang-panghari. Sinabi sa kanila ni Pilato: “Hayan ang Tao!” Kaya nang makita siya ng mga punong-pari at mga bantay, nagsigawan sila: “Ipako sa krus! Ipako sa krus!” sinabi sa kanila ni Pilato: “Kunin n’yo siya at kayo ang magpako sa krus dahil wala akong matagpuang krimen sa kanya.” Sumagot sa kanya ang mga Judio: “May Batas kami at ayon sa Batas ay dapat siyang mamatay sapagkat ginawa niyang Anak ng Diyos ang kanyang sarili.” Nang marinig ni Pilato ang salitang ito’y lalo siyang natakot. Pumasok siyang muli sa palasyo at tinanong si Jesus: “Tagasaan ka ba?” Wala namang isinagot si Jesus sa kanya. Kaya sinabi sa kanya ni Pilato: “Hindi ka ba makikipag- usap sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka at may kapangyarihan ding ipapako ka sa krus?”Sumagot si Jesus: “Wala kang anumang kapangyarihan sa akin kung hindi ito ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya mas mabigat ang kasalanan ng nagpaubaya sa akin sa iyo.” (…) Paghahanda noon ng Paskuwa, magtatanghaling-tapat ang oras. sinabi niya sa mga Judio: “Hayan ang inyong Hari!”Kaya nagsigawan ang mga iyon: “Alisin, alisin, ipako siya sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato: “Ipapako ko ba sa krus ang inyong Hari?” Sumagot ang mga punong-pari: “Wala kaming hari liban sa Cesar.”Kaya noo’y ipinaubaya siya ni Pilato sa kanila upang ipako sa krus.
Kinuha nila si Jesus.Siya mismo ang nagpasan ng krus at lumabas tungo sa lugar ng kung tawagi’y Pook ng Bungo, na sa Hebreo’y Golgotha. Doon nila siya ipinako sa krus, at kasama niya ang dalawang iba pa sa magkabila, nasa gitna naman si Jesus. Ipinasulat din ni Pilato ang karatula at ipinalagay sa krus. Nasusulat: Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio. (…)
Pagninilay
“Ang magmahal hanggang kamatayan.” Noong Unang Biyernes Santo,
ipinakita sa atin ng Panginoong Jesus ang kahulugan ng tunay na pagmamahal—ang magmahal hanggang kamatayan para sa kapakanan ng minamahal. Kahanga hanga ang pag-ibig ng nagdurusang lingkod. Pinasan nya ang ating karamdaman upang magkamit tayo ng kagalingan. Dinala nya ang ating paghihirap, at inialay ang kanyang buhay. Dahil dito sya ay kinalugdan ng Diyos at naging tagapamagitan para sa kaligtasan ng makasalanan. Ang nagdurusang lingkod ay kumakatawan kay Jesus, ang punong pari, na dahil sa kanyang pag-ibig ay nagbata ng ating hirap, at nakiisa sa ating kahinaan liban sa kasalanan upang ating maging tagapamagitan sa Dyos. Ngayong Biyernes Santo, inaanyayahan tayo na Kaisa ng Panginoong Jesus, ay maging tagapamagitan sa ating mga panalangin at sakripisyo. Hilingin natin ang biyaya na tahakin ang daan ng pag-ibig, ang daan ng krus na tinahak ng Panginoong Jesus upang ipahayag ang kahulugan ng tunay na pagmamahal—ang magmahal hanggang kamatayan para sa kapakanan ng minamahal.
© Copyright Pang Araw-araw 2025