Ebanghelyo: Juan 13:1-15
Ngayon, bago magpiyesta ng Paskuwa, alam ni Jesus na dumating na ang Kanyang oras para tumawid mula sa mundong ito tungo sa Ama, sa pagmamahal Niya sa mga sariling Kanya na nasa mundo, minahal Niya sila hanggang kaganxxapan. Naghahapunan sila at naisilid na ng diyablo sa kalooban ni Judas na anak ni Simon Iskariote na ipagkanulo siya. Alam naman ni Jesus na ipinagkaloob ng Ama sa Kanyang mga kamay ang lahat, at mula sa Diyos Siya galing at sa Diyos Siya pabalik. Kaya tumindig Siya mula sa hapunan at hinubad ang panlabas na damit, at pagkakuha ng tuwalya ay ibinigkis sa sarili. Pagkatapos ay nagbuhos Siya ng tubig sa hugasan, at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa Kanya. Nang lumapit Siya kay Simon Pedro, sinabi nito sa Kanya: “Panginoon, ikaw ba ang maghuhugas sa aking mga paa?” Sumagot si Jesus: “Hindi mo alam ngayon ang ginagawa ko pero mauunawaan mo makaraan ang mga ito.” Sinabi sa Kanya ni Pedro: “Hinding-hindi mo kailanman huhugasan ang aking mga paa.” Sumagot si Jesus sa Kanya: “Kung hindi kita huhugasan, hindi ka makababahagi sa akin.” Sinabi sa Kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, hindi lamang ang mga paa ko kundi pati na ang mga kamay at ulo.” Sinabi sa Kanya ni Jesus: “Mga paa lamang ang kailangang hugasan ng naligo na dahil malinis na ang buo Niyang sarili. Malinis nga kayo pero hindi lahat.” Alam ni Jesus ang magkakanulo sa Kanya. Dahil dito kaya Niya sinabing: “Hindi lahat kayo’y malinis.” Kaya nang mahugasan Niya ang kanilang mga paa, kinuha Niya ang Kanyang panlabas na damit at bumalik sa hapag, at sinabi Niya sa kanila: “Nauunawaan n’yo ba ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag n’yo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon.’ At tama ang pagsasabi ninyo: ako nga. Kaya kung hinugasan ko ang inyong mga paa, akong Panginoon at Guro, gayundin kayo dapat maghugasan ng mga paa ng isa’t-isa. Isang halimbawa ang ibinigay ko sa inyo upang gawin din ninyo gaya ng ginawa ko sa inyo.
Pagninilay
“Si Jesus ang Kordero ng Diyos.” Tuwing Huwebes Santo ay ipinagdiriwang natin ang pagtatatag ng Eukaristiya sa Huling Hapunan. Sa Unang Pagbasa, binabalikan natin ang pagdiriwang ng Unang Paskwa ng mga Israelita kung saan ginugunita nila ang gabi ng pagliligtas kanila ng Diyos mula sa mga Ehipcio. Noong gabing iyon nilampasan sila ng anghel ng kamatayan dahil sa dugo ng kordero na ipinahid sa poste at hamba ng kanilang tirahan. Sa gabi ring iyon, nilisan nila ang kanilang pagkaalipin, at tumawid sa dagat ng tambo patungo sa lupang pangako. Sa Ikalawang Pagbasa, makikita natin ang pagtatagpo kay Jesus ng luma at bagong tipan. Si Jesus ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Kapalit ng dugo ng kordero, iaalay ni Jesus ang kanyang katawan at dugo upang maging alak at tinapay na ating pagsasaluhan para sa ating kaligtasan. Sa Ebanghelyo, inaanyayahan tayo ng Panginoon na sundan at ipagpatuloy sa ating araw araw na buhay ang kanyang iniwang halimbawa ng pakumbabang paglilingkod sakapwa. Ngayong Huwebes Santo, hilingin natin ang biyaya ang ating buhay ay maging eukaristiya na magpapaalaala ng dakilang pagibig ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025