Ebanghelyo: Juan 3:1-8
May isang taong kabilang sa mga Pariseo – Nicodemo ang pangalan niya – pinuno siya ng mga Judio. Isang gabi, pinuntahan niya si Jesus at sinabi sa kanya: “Rabbi, alam namin na guro kang galing sa Diyos. Sapagkat walang makagagawa ng mga tandang ginagawa mo kung hindi sumasakanya ang Diyos.”
Sumagot si Jesus sa kanya: “Tala gang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makakakita sa paghahari ng Diyos kung hindi siya isisilang na muli mula sa itaas.” Sinabi sa kanya ni Nicodemo: “Paano maisisilang ang isang taong matanda na? Diba’t hindi siya makapapasok sa sinapupunan ng kanyang ina para isilang uli?”
Sumagot si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makapapasok sa kaharian ng Diyos kung hindi siya isisilang mula sa tubig at Espiritu. Laman ang isinilang mula sa laman, at espiritu ang isinilang mula sa Espiritu. Huwag kang magtaka dahil sinabi ko sa iyong kailangan kayong isilang mula sa itaas.
Umihip ang hangin kung saan nito nais, at naririnig mo ang ihip nito pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan ito patungo. Gayon din nga ang bawat isinilang mula sa Espiritu.”
Pagninilay
Sa gitna ng dilim ng gabi nagpakita si Nicodemo, isa sa mga pariseo. Naghahanap siya ng kaliwanagan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Naniniwala siya na pinadala ng Diyos si Jesus kung kaya’t marapat na lumapit siya sa Kanya upang maliwanagan. Sinabi sa kanya ni Jesus na kailangang ipanganak muli ang isang tao upang makita ang Kaharian ng Diyos. Sa rito ng binyag, tinuturuan tayo na sa tubig ng binyag, tayo’y namatay kasama ni Kristo at naging bagong nilalang, mga inangking anak ng Diyos. Pinahiran din tayo ng langis na tanda ng pakikibahagi sa pagka-pari, pagka-hari at pagka-propeta ni Jesus. Sa binyag, tayo’y naliwanagan na siyang sinisimbolo ng liwanag ng kandila ng Paskuwa. Marapat lamang na manatili tayong mga anak ng liwanag na kabahagi sa Kaharian ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023