Ebanghelyo: Jn 6: 30-35
Kaya sinabi nila sa kanya: “At anong tanda ang matatrabaho mo para makita nami’t maniwala kami sa iyo? Ano ba’ng gawa mo? Kumain ng manna sa disyerto ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: Binigyan sila ng tinapay mula sa langit at kumain sila. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Talagangtalagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang Ama ko ang nagbibigay sa inyo ng totoong tinapay mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Lagi n’yo pong ibigay sa amin ang tinapay na ito.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin.
Pagninilay
“Hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa langit.” Ang pahayag na ito ay nagpapaalala sa atin na, hindi dapat nating makalimutan kung saan nanggagaling ang lahat ng ating natatanggap na biyaya. Na ang pinagmulan ng lahat ay ang Diyos, ang bukal ng lahat ng pagpapala. Kahit pa pinaghirapan natin ang lahat at masasabi nating bunga ng ating mga sakripisyo at tiyaga, o galing at talion, ang lahat ay bunga ng pagpapahintulot ng Diyos. Ipinagkaloob sa atin ang bawat nating idinudulog sa panalangin. Upang patuloy natin itong tamasahin, kailangang manatili tayong manalig kay Jesus – ang “tinapay ng buhay.” Ito ay ang patuloy na pinapahayag sa Ebanghelyo ni San Juan. Manatili nawa tayo sa ating pananalig kay Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024