Ebanghelyo: Juan 20:19-31
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng san linggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Kapayapaan sa inyo!”
Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon.
At muli niyang sinabi sa kanila: “Kapayapaan sa inyo! Kung paanong isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko rin kayo.” At pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatiliin.”
Hindi nila kasama si Tomas na tinaguriang Kambal, na isa sa Labindalawa, nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Sinabi naman niya: “Maliban lamang na makita sa kanyang mga kamay ang tatak ng mga pako at maipasok ang aking daliri sa pinaglagusan ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!”
Makaraan ang walong araw, muling nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna.
At sinabi niya: “Kapayapaan sa inyo!” At sinabi niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. At ilapit ang kamay mo at ipasok sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi maniwala!”
Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko – ikaw!” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi naka kita at naniniwala.”
Ngayon, marami pang ibang tandang ginawa si Jesus sa harap ng kan yang mga alagad, na hindi naman nasusulat sa kasulatang ito. Isinulat naman ang mga ito upang maniwala kayo na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos. At sa paniniwala ninyo’y magkaroon kayo ng buhay sa bisa ng kanyang Pangalan.
Pagninilay
Nakapinid ang pintuan. May takot pa rin ang mga alagad sa mga taong nagpapatay kay Jesus. Nagpakita sa kanila si Jesus at nagwika, “Sumainyo ang kapayapaan!” Sa pagkakataong ito, ipinakita Niya ang kanyang pagka-Diyos at pagkatao. Muli sIyang nabuhay at patunay ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at tagiliran. Napagtanto ng mga alagad ang katotohanang ito. Subalit si Tomas ay hindi pa rin naniwala hangga’t hindi niya nahahawakan ang mga sugat ni Jesus. Kaya’t sa ikalawang pagpapakita ni Jesus, pinahipo niya ang kanyang mga sugat at nakapagwika si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko.” Di na muling nagduda si Tomas na buhay na Diyos si Jesus.
Mapalad tayo na kahit hindi natin nahawakan ang mga sugat ni Jesus ay naniniwalang Siya ay Diyos na naging tao at muling nabuhay. Patuloy na nadarama ang presensiya ni Jesus sa maraming paraan. Mapalad tayong marinig ang mga nangasulat niyang salita upang tayo’y manampalataya (Jn 20:31). Mapalad tayong matanto at maranasan ang mga pagkilos ng Diyos sa ating buhay, lalo na sa mga patuloy na gawang kaligtasan ng mga sakramento. Mapalad tayo na di lamang mahahawakan ang sugat sa kanyang katawan, sa halip ito’y pinagbabahaginan pa sa tinatanggap sa banal na misa. Layunin nating ibahagi ang mabuting balita ng Muling Pagkabuhay sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng ating pagiging anak ng Muling Pagkabuhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023