Ebanghelyo: Juan 12:1-11
Anim na araw bago mag-Paskuwa, pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro na pinabangon ni Jesus mula sa mga patay. Kaya naghanda sila roon ng hapunan para sa kanya. Nagsilbi si Marta at kabilang naman sa mga kasalo niya ay si Lazaro. Kinuha si Maria ang isang librang mamahaling pabangong mula sa purong nardo at pinahiran ang mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok ang mga paa niya. At napuno ng halimuyak ng pabango ang pamamahay. Sinabi ni Judas Iskariote na isa sa kanyang mga alagad na siyang magkakanulo sa kanya: “Ano’t di ipinagbili nang tatlundaang denaryo ang pabangong ito para maibigay sa mga dukha.” Sinabi niya ito hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha kundi dahil magnanakaw siya; nasa kanya ang bulsa ng pananalapi at nangungupit siya sa inilalagay doon. Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan mo siya’t inilaan niya ito para sa araw ng paglilibing sa akin. Kasama ninyong lagi ang mga dukha ngunit hindi n’yo ako laging kasama.” Marami sa mga Judio ang nakaalam na naroon siya. At dumating sila hindi dahil lamang kay Jesus kundi para makita si Lazaro na pinabangon niya mula sa mga patay. Pinagusapan naman ng mga punong-pari ang pagpatay pati na kay Lazaro, pagkat marami sa mga Judio ang lumilisan dahil sa kanya at nananalig kay Jesus.
Pagninilay
“Maging mga tunay na kaibigan ni Jesus.” Meron ka bang Betanya? Sila ang mga kaibigan at pamilya na pinupuntahan tayo sa mga panahong may pinagdadaanan tayo at nangangailangang humugot ng lakas upang magpatuloy sa buhay. Batid natin na sa piling ng ating mga kaibigan at kapamilyang ito, pwede tayong magbuhos ng ating tunay na damdamin ng walang pagkukunwari, magpakita ng ating kahinaan at ng pangangailangan ng karamay. Ito ang papel ng pamilya nina Lazaro, Marta at Maria sa buhay ng Panginoon. Kasunod ng pagpasok sa Jerusalem at pagtanggap sa kalooban ng Ama na harapin ang kamatayan na naghihintay sa kanya, nagtungo sya sa bahay ng magkakapatid. Kabaligtaran ng mababaw at sandaling pagtanggap ng mga Hudyo sa kanyang pagpasok sa Jerusalem, sa piling ng magkakapatid, naranasan Nya ang malalim na pagtanggap at pakikiisa ng diwa at damdamin. Sa piling ng mga tunay na kaibigan hindi tayo kailangang magpanggap sapagkat tayo’y tanggap. Ngayong Lunes Santo, inaanyayahan tayo na maging mga tunay na kaibigan ni Jesus. Inaanyayahan nya na ang ating puso, ang ating tahanan at sambayanan ay maging tulad ng sa Betanya sa ating pagpapatuloy sa kanya ngayong mga mahal na araw. Makikiisa tayo sa kanyang pagpapakasakit, pagkamatay tungo sa kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025