Ebanghelyo: Lucas 24:35-48
At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay.
Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” (Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.)
Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda (at pulotpukyutan). Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila.
Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.”
At binuksan niya ang kanilang isipan para mauna waan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan – sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.
Pagninilay
Nagpakita si Jesus sa grupo ng kanyang mga alagad. Natakot sila na para silang nakakita ng multo. Pinahipo niya ang kanyang mga sugat at humingi sa kanila ng pagkain. Ano pa ang kailangang gawin ni Jesus upang maniwala silang muli siyang nabuhay? Tunay na buhay siya! Muli siyang nabuhay! At ang kanilang lungkot at takot ay napalitan ng lubos na kaligayahan. Naunawaan na na nila ang lahat ng naisulat sa batas ni Moises, mga propeta at salmo. Si Jesus ang Salita na naging tao. Siya ang katuparan ng lahat ng pinangako ng Diyos. Ang kanyang muling pagkabuhay ay nagdala ng kapatawaran ng mga kasalanang nagdala ng kamatayan. Ang atas sa ating mga nananampalataya sa Muling Pagkabuhay ni Jesus ay ang pagpapahayag ng mensahe ng kapatawaran ng sala at ng kapayapaan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023