Ebanghelyo: Juan 11:45-56
Kaya nanalig sa kanya ang marami sa mga Judiong pumunta kay Maria at nakasaksi sa kanyang ginawa. Pumunta naman sa mga Pariseo ang ilan sa kanila at sinabi ang mga ginawa ni Jesus. Kaya tinipon ng mga punong-pari at ng mga Pariseo ang Mataas na Sanggunian (o Sanhedrin) at sinabi: “Ano’ng gagawin natin? Marami siyang ginagawang mga tanda. Kung pababayaan natin siyang paganito, mananalig sa kanya ang lahat at darating ang mga Romano at buburahin kapwa ang ating Banal na Lugar at ang ating bansa.” At isa sa kanila, si Caifas na Punong-pari sa taong iyon, ang nagsabi: “Wala kayong kaalam-alam. Ni hindi n’yo naiintindihan na mas makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa sambayanan kaysa mapahamak ang buong bansa.” Hindi sa ganang sarili niya ito sinabi kundi bilang Punongpari sa taong iyon nagpropesiya siyang mamamatay nga si Jesus alang-alang sa bansa, at hindi lamang alang-alang sa bansa kundi upang tipunin din at pag-isahin ang mga nakakalat na anak ng Diyos. Kaya mula sa araw na iyon, pinagpasyahan nilang patayin siya. Kaya hindi na lantarang nag-libot si Jesus sa mga Judio, kundi umalis siya roon patungo sa lupaing malapit sa disyerto, sa isang bayang Efraim ang tawag, at doon siya tumigil kasama ang mga alagad. Ngayon, malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon pa-Jerusalem ang marami mula sa lalawigan bago mag- Paskuwa upang maglinis ng sarili. Hinahanap nila si Jesus at nang nasa templo na sila, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano sa tingin ninyo? Hindi nga siya paririto sa piyesta?”
Pagninilay
“Si Jesus ang katuparan ng mga pangako ng Diyos.” Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni Propeta Ezequiel ang mga pangako ng Diyos sa mga Hudyo: Kalayaan mula sa pagkaalipin, pagtitipon mula sa pagkakawatakwatak,
pag-uwi sa sariling tahanan mula sa pagiging dayuhan sa ibang bayan, pagkakaroon ng isang hari at pastol, pakikipagtipan at pananahan sa piling ng Diyos. Ito ang mga tanda ng pagsapit ng kaharian ng Diyos. Si Jesus ang katuparan ng mga pangako ng Diyos. Matutunghayan sa Ebanghelyo ang mga tanda ng paghahari ng Diyos. Isa sa mga ito, ay ang pagbuhay ni Jesus kay Lazaro mula sa mga patay. Ang tandang ito ay naging daan ng pananalig ng ilang mga Hudyo. Subalit ang tanda ring ito ang dahilan kung bakit lalong nagpursigi ang mga Hudyo, mga Punong Sasedote at mga Guro ng Batas upang dakpin Siya sapagkat hadlang sya sa kanilang personal na “agenda.” Sa ating buhay, maraming mga tanda ang ipinadadala ang Panginoon upang maranasan natin ang paghahari Niya sa ating buhay. Hilingin natin ang biyaya ng kabukasan ng puso at kalooban upang makita natin ang mga tanda, na narito na at kapiling at kasama natin ang Diyos. Siya’y tapat sa kanyang pangako.
© Copyright Pang Araw-araw 2025