Ebanghelyo: Juan 10:31-42
Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio para batuhin siya. Sinagot sila ni Jesus: “Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang itinuro ko sa inyo. Dahil sa alin sa mga ito at binabato n’yo ako?” Sinagot siya ng mga Judio: “Binabato ka namin hindi dahil sa isang mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan, pagkat gayong tao ka, itinuturing mong Diyos ang iyong sarili.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Di ba’t nasusulat sa inyong Batas: Sinabi ko, mga diyos kayo? Kaya tinawag na mga diyos ang mga kinakausap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay ang Kasulatan. Kung gayon, bakit n’yo sinasabing lapastangan ako sinasabi kong Anak ako ng Diyos – ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo? Kung hindi ko tinatrabaho ang mga gawa ng aking Ama, huwag n’yo akong paniwalaan. Kung ginagawa ko naman, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin, paniwalaan ninyo ang mga gawa. Kaya malalaman n’yo na nasa akin ang Ama at ako’y nasa Ama.” Kaya muli nilang pinagtangkaang dakpin siya ngunit nakatalilis siya sa kanilang kamay. At muli siyang lumayo pakabilang-ibayo ng Jordan sa lugar na pinagbibinyagan ni Juan sa simula. At doon siya namalagi. Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi: “Wala ngang ginawang tanda si Juan pero totoong lahat ang sinabi ni Juan tungkol sa kanya.” At doo’y marami ang nanalig sa kanya.
Pagninilay
“Nasa akin ang Ama at ako’y nasa Ama.” Isa sa pinakamahirap gawin ay ang magsabi ng totoo at magtuwid ng mali ng ating kapwa, lalo na ng ating pamilya at kaibigan. Takot tayong magsalita, lalo pa kung alam natin na masasaktan sila, at maaaring maging dahilan ng paglayo nila sa atin. Kung mahirap maging propeta noon, mahirap pa rin hanggang ngayon. Sa Unang Pagbasa, matutunghayan natin ang pag-uusig na naranasan ni Propeta Jeremias dahil sa kanyang pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Hindi madaling gawain ito. Kaya nga, alam natin kung paanong tumakas si Propeta Jonas o pinanghinaan ng loob si Propeta Elias dahil sa takot sa paguusig na nakaabang sa kanila. Sa Ebanghelyo, tulad ni Jeremias, patuloy ang pagtuligsa ng mga Hudyo, at mga guro ng batas kay Jesus. Hindi nila matanggap ang kanyang pahayag na isinugo sya ng Ama at sya ang Anak ng Diyos! Nagtangka silang batuhin sya, subalit nakatakas si Jesus, sapagkat di pa niya oras. Mahirap maging propeta noon, mahirap pa rin maging propeta ngayon. Subalit kung ang ating pagkapropeta ay nagmumula sa tunay at malalim na pag-ibig para sa kabutihan ng ating kapwa, wala tayong dapat katakutan, sapagkat ang lahat ay kaya nating pagtagumpayan kaisa ng Panginoong Jesus, ang ating huwaran.
© Copyright Pang Araw-araw 2025