Ebanghelyo: Juan 8:51-59
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung may nagsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi niya papansinin ang kamatayan magpakailanman.” Kaya sinabi sa kanya ng mga Judio: “Alam na namin ngayon na may demonyo ka nga. Namatay si Abraham pati ang mga propeta at sinasabi mong ‘Kung may nagsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi siya lalasap ng kamatayan magpakailanman.’ Mas dakila ka pa ba kaysa ama naming si Abraham na namatay? Nangamatay pati ang mga propeta. Sino ka ba sa akala mo?” Sumagot si Jesus: “Kung ako ang pumupuri sa aking sarili, walang saysay ang aking papuri. Ang ama ko ang pumupuri sa akin, siya na sinasabi n’yong ‘Diyos namin.’ Hindi n’yo siya kilala pero kilala ko siya. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling akong tulad n’yo. Pero kilala ko siya at isinasakatuparan ko ang kanyang salita. Nagalak ang inyong amang si Abraham at makikita niya ang Araw ko; nakita nga niya at siya’y natuwa.” Kaya sinabi ng mga Judio sa kanya: “Wala ka pang limampung taon at nakita mo na si Abraham?” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, bago pa man si Abraham, ako na nga.” Kaya dumampot sila ng mga bato para ibato sa kanya. Pero nagtago si Jesus at umalis sa Templo.
Pagninilay
“Ang pananampalataya ay isang regalo mula sa Diyos.” Ang ating pananampalataya ay isang regalo mula sa Diyos na ating tinanggap noong tayo ay binyagan. Ibinuhos sa ating puso ang Espiritu Santo at tayo ay tinatakan ng tanda ng pagiging kristiyano. Tayo ay naging kay Kristo. Kaya nga pagsapit ng Pasko ng Muling Pagkabuhay sinasariwa natin ang mga pangako ng ating binyag bilang pagpapanibago ng ating pananampalataya. Hindi maunawaan ng mga Hudyo na si Jesus ang isinugong mesiyas. Nasa ibaba o makamundo at sarado ang kanilang isipan. Bagamat kinikilala nila si Abraham na Ama sa pananampalataya, hindi nila kinikilala si
Jesus ang katuparan at kaganapan ng mga pangako ng Diyos at pakikipagtipan kay Abraham. Hindi ipinagkaloob sa kanila liban sa ilang bukas at mababa, ang biyaya ng pananampalataya. Subalit, ipinagkaloob ito sa atin. Kaya nga, magpasalamat tayo sa Diyos sa kanyang regalong pananampalataya na nagsisilbing tala at gabay sa ating paglalakbay sa gitna ng kadiliman at mga kahirapan ng buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025