Ebanghelyo: Juan 8:31-42
Kaya sinabi ni Jesus sa mga Judiong nanalig sa kanya: “Kung mamamalagi kayo sa aking salita, totoong mga alagad ko kayo, at maintindihan ninyo ang katotohanan, at palalayain kayo ng katotohanan.” Sumagot sila sa kanya: “Binhi kami ni Abraham at hindinghindi kami nagaalipin kaninuman. Paano mo masasabing ‘Palalayain kayo’?” Sumagot sa kanila si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na alipin ng kasalanan bawat gumagawa ng kasalanan. Ngunit hindi namamalagi magpakailanman ang alipin sa bahay. Ang anak ang namamalagi magpakailanman. Kaya kung ang Anak ang nagpapalaya sa inyo, totoong magiging malaya kayo. Alam kong binhi kayo ni Abraham. Ngunit dahil walang lugar sa inyo ang aking salita, hangad n’yo akong patayin. Ang nakita ko sa piling ng Ama ang sinasabi ko, at ang narinig n’yo naman mula sa inyong ama ang inyong ginagawa.” Kaya sumagot sila at sinabi sa kanya: “Si Abraham ang aming ama.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung mga anak kayo ni Abraham, mga gawa sana ni Abraham ang inyong ginagawa. Ngunit ngayon, hangad n’yo akong patayin, na taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Hindi ito gawa ni Abraham. Mga gawa nga ng inyong ginagawa.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Hindi kami mga anak sa labas. Isang ama lamang meron kami ang Diyos.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung ang Diyos nga ang inyong Ama, mamahalin n’yo sana ako sapagkat sa Diyos ako galing at ngayo’y naparito. Dumating ako hindi sa ganang sarili ko kundi siya ang nagsugo sa akin.
Pagninilay
“Mamamalagi kayo sa aking salita.” Kung mayroon mang isang bagay na kinatatakutan ang halos ng tao, ito ay ang kamatayan. Marahil, kahit ang mga pinabanal na Martir at pinakamatapang na bayani ay nakaranas din ng takot, bago nila lubusang naialay ang kanila buhay sa Diyos at sa bayan. Sa Unang Pagbasa, tunay na kahanga hanga ang tatlong binatilyong sina Sadrach, Mesach at Abednego. Ang kanilang lubos at matatag na pananalig sa Diyos ay nagbunga ng kalayaan ng kalooban upang panindigan ang kanilang pananampalataya sa harapan ng kinatatakutang hari bagamat nangangahulugan ito ng kanilang kamatayan. Sa Ebanghelyo, makikita natin si Jesus, bilang tagapagpalaya at huwaran ng ganap na kalayaan. Buong tapang Nyang hinarap ang mga Hudyo na hindi naniniwala sa kanya. Malaya niyang ipinangaral ang katotohanan kahit batid nya ang panganib na nakaabang at mga matang nagmamanman upang makahanap ng ipaparatang sa kanya. Bilang tagasunod ni Jesus, tayo ay inaanyayahang maging malaya mula sa takot, malaya sa anuman o sinumang hadlang upang matupad natin kung ano ang mabuti, kalugudlugod at naaayon sa kalooban ng Diyos. Hilingin natin ang biyaya na manatili tayo kay Jesus sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng kanyang Salita. Dadalisayin tayo ng Salita ng Diyos upang maging kanyang malayang tagasunod.
© Copyright Pang Araw-araw 2025