Ebanghelyo: Juan 20:1-9 (o Mateo 28:1-10 o Lucas 24:13-35)
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.”
Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo kay Pedro ang isa pang alagad, at unang nakarating sa libingan. Pagkayuko niya’y nakita niyang nakalatag ang mga telang linen pero hindi siya pumasok.
Dumating namang kasunod niya si Simon Pedro, at pumasok sa libingan. Napansin niya ang mga telang linen na nakalatag, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulo niya ay di kasama sa mga telang linen na nakalatag kundi hiwalay na nakabilot sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at siya’y naniwala. Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan siyang magbangon mula sa mga patay.
Pagninilay
May mga kuwento ukol sa mga naganap sa Muling Pagkabuhay. Ayon sa Ebanghelyo ni San Mateo, tumungo sa libingan si Maria Magdalena at ang kanyang kasamang si Maria at sinabi sa kanila ng anghel na muling nabuhay si Jesus. At kanila ngang natagpuan si Jesus sa daan. Ayon naman kay San Juan, nag-iisa si Maria Magdalena nang nakita niya ang libingan na nabuksan na at agad niyang ibinalita kay Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Dalawang bersyon ngunit iisa lang mensahe, wala ng laman ang libingan. Nabuksan na ang dilim sa yungib. Si Jesus ay muling nabuhay! Ang lungkot at takot ay napalitan ng kaligayahan. Natupad na ang lahat ng nasulat. Ang muling pagkabuhay ni Jesus ang saligan ng ating Kristiyanong pananampalataya. Ito ang nagbibigay ng pag-asa na nagtatagumpay ang Diyos sa tuwina. Si Jesus ang liwanag na siyang magpapalaya sa atin sa madilim na daan patungo sa buhay na walang hanggan.
Kung kaya’t sa gitna ng dilim na ating nararanasan, huwag tayong panghinaan ng loob at pagasa. Si Jesus ang liwanag na kasa-kasama natin. Maging ang kamatayan ay hindi makalulupig sa atin sapagkat nananalig tayong mayroong muling pagkabuhay. Sa ating pagsariwa sa pangako ng binyag, papagpanibaguhin din natin ang ating pananalig sa Panginoon at patibayin ang ating misyon na ipahayag ang mensahe ng Muling Pagkabuhay.