Ebanghelyo: Mateo 28:1-10
Kinahapunan ng Araw ng Pahinga, sa paglabas ng unang bituin, sa unang araw ng sanlinggo, pumunta sa libingan si Maria Magdalena at ang isa pang Maria para tingnan ang libingan. Walang anu-ano’y lumindol nang malakas at bumaba mula sa langit ang Anghel ng Panginoon at nilapitan ang bato, pinagulong ito at naupo roon. Parang kidlat ang kanyang mukha at simputi ng niyebe ang kanyang damit. Nanginig naman sa takot ang mga bantay at naging parang mga patay.
Sinabi ng Anghel sa mga babae: “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala siya rito; binuhay siya ayon sa kanyang sinabi. Tingnan ninyo ang lugar na pinaglibingan sa kanya. Pumunta kayo agad ngayon at sabihin sa kanyang mga alagad na muli siyang nabuhay at mauuna sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Ito ang mensahe ko sa inyo.”
Agad nilang iniwan ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad.
Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.”
Pagninilay
Puno ng dalamhati, nagtungo si Maria Magdalena at ang kanyang kasamang si Maria sa libingan ni Jesus upang bumisita. Lalo silang natakot sa naramdamang lindol at sa pagpapakita ng anghel. “Huwag kayong matakot…nabuhay siyang muli gaya ng kanyang sinabi…” Muling nabuhay si Jesus! Kahit may takot, tumakbo ang dalawang babae pabalik sa mga alagad upang ihatid sa kanila ang balita. “Huwag kayong matakot!” Sinalubong sila ni Jesus, na muling nabuhay, ng mga salitang ito at sinugo silang ipahayag ang mensaheng ito ng muling pagkabuhay. Humayo tayo sa galak at pagasa sapagkat nagtagumpay si Jesus sa kamatayan at binigyan tayo ng bagong buhay na sa ati’y ibinahagi sa binyag. Magpatuloy tayo sa pagpapahayag ng muling pagkabuhay ni Jesus, sa pagiging saksi sa buhay na may kapayapaan at galak, bilang mga inangking anak ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023