Ebanghelyo: Juan 5:31-47
Kung nagpapatunay ako sa aking sarili, di mapanghahawakan ang aking patunay. Ngunit iba ang nagpapatunay tungkol sa akin at alam kong mapanghahawakan ang patunay niya tungkol sa akin. Nagpasugo kayo kay Juan at binigyang-patunay niya ang katotohanan. Ipinaaalaala ko ito para maligtas kayo; ngunit hindi ko hangad ang patunay mula sa tao. Siya nga ang ilaw na may sindi at nagniningning, at ginusto n’yong magalak pansamantala sa kanyang liwanag. May patunay naman ako na higit pa kaysa kay Juan ang mga gawang bigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawa mismong ginagawa ko ang nagpapatunay na sinugo ako ng Ama. At nagpapatunay rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma’y di ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita ang kanyang anyo. At hindi rin namamalagi sa inyo ang kanyang salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo. Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan dahil inaakala ninyong doon kayo magkakaroon ng buhay magpakailanman. Nagpapatunay nga sa akin ang mga iyon ngunit ayaw n’yong lumapit sa akin para mabuhay. Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, ngunit kilala ko kayo: wala sa inyong sarili ang pagmamahal sa Diyos. Sa ngalan ng aking Ama ako dumating at hindi n’yo ako tinatanggap; kung sakaling may dumating sa sarili niyang ngalan, siya ang inyong tatanggapin. Paano kayo makapaniniwala kung papuri sa isa’t isa ang hangad n’yo at hindi ang papuring galing sa tanging Diyos ang hangad? Huwag n’yong akalain na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang nagsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inaasahan. Kung pinaniwalaan nga ninyo si Moises, paniniwalaan din sana ninyo ako sapagkat tungkol sa akin siya nagsulat. Ngunit kung hindi n’yo paniniwalaan ang kanyang mga sinulat, paano n’yo paniniwalaan ang aking mga pananalita?
Pagninilay
“Ang Sakit na Pagkalimot.” Naalala ko ang sumbong sa akin ng aking 80 taong gulang na Tiya. Pinagsasabihan daw siyang makakalimutin dahil paulit ulit sya sa kanyang paalala. Paliwanag nya, “Hindi ako makakalimutin. Kaya ko inuulit ulit ang aking paalala ay baka malimutan nila. Isa sa mga sakit sa buhay espiritwal na naglalayo sa atin sa Diyos ay ang sakit na Pagkalimot. Sa Unang Pagbasa, nalimutan ng mga Israelita na ang Panginoon ang nagligtas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Egipto. Nalimutan nila na sinamahan sila ng Kanyang presensiya sa haliging apoy sa gabi at sa ulap sa umaga. Nalimutan nila ang pagpapakain sa kanila ng Manna sa ilang. Nalimutan nila ang lahat ng ito, kaya, gumawa sila ng guying ginto bilang Diyos- Diyosan. Sa Ebanghelyo, walang pinagkaiba ang mga Judyong umiisig kay Jesus. Nalimutan nila ang pagpapagaling ni Jesus sa mga maysakit, Nalimutan nila ang kanyang pagbuhay sa patay. Nalimutan nila ang tinapay na Kanyang pinarami. Nalimutan o sadyang nilimot ang lahat ng ito dahil sa ayaw nilang sumampalataya na si Jesus ang
sinugo ng Ama. Gayunpaman, kahit gaano tayo makakalimutin tulad ng mga Israelita, ang Diyos ay, tulad ng aking Tiya Nene na buong pagmamahal na patuloy na magpapaalala sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2025