Ebanghelyo: Juan 12:1-11
Anim na araw bago mag-Paskuwa, pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro na pinabangon ni Jesus mula sa mga patay. Kaya naghanda sila roon ng hapunan para sa kanya. Nagsilbi si Marta at kabilang naman sa mga kasalo niya ay si Lazaro. Kinuha si Maria ang isang librang mamahaling pabangong mula sa purong nardo at pinahiran ang mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok ang mga paa niya. At napuno ng halimuyak ng pabango ang pamamahay.
Sinabi ni Judas Iskariote na isa sa kanyang mga alagad na siyang magkakanulo sa kanya: “Ano’t di ipinagbili nang tatlundaang denaryo ang pabangong ito para maibigay sa mga dukha.” Sinabi niya ito hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha kundi dahil magnanakaw siya; nasa kanya ang bulsa ng pananalapi at nangungupit siya sa inilalagay doon.
Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan mo siya’t inilaan niya ito para sa araw ng paglilibing sa akin. Kasama ninyong lagi ang mga dukha ngunit hindi n’yo ako laging kasama.”
Marami sa mga Judio ang nakaalam na naroon siya. At dumating sila hindi dahil lamang kay Jesus kundi para makita si Lazaro na pinabangon niya mula sa mga patay. Pinag-usapan naman ng mga punong-pari ang pagpatay pati na kay Lazaro, pagkat marami sa mga Judio ang lumilisan dahil sa kanya at nananalig kay Jesus.
Pagninilay
Gamit ang pabangong mula sa purong nardo, pinahiran ni Maria, kapatid ni Lazaro at Marta, ang mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok. Isa itong pagpapakita ng pagmamahal at debosyon ni Maria kay Jesus. Isang mamahaling pa ba ngo ang binuhos niya sa mga paa ng isang kaibigan. Sa ibang pagkakataon, nanatili si Maria sa paanan ni Jesus at nakinig sa kanya samantalang abala si Marta sa paghahanda ng pagkain. Pakikinig! Ang paglalaan ng panahon at pagtanggap sa taong minamahal ay nagpapamalas ng pag-ibig. Ito ang paanyaya ni Maria sa mga umiibig kay Jesus na Siya’y tanggapin, pakinggan, at magbahagi ng mabubuting gawa sa mga mga maliliit nating mga kapatid sapagkat sila ang malalapit sa puso ng Panginoon. “Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamaliit na kapatid ko, ginawa ninyo ito sa akin” (Mt. 25:40).
© Copyright Pang Araw-Araw 2023