Ebanghelyo: Marcos 16:1-7
Pagkatapos ng Araw ng Pahinga, si Maria Magdalena at si Mariang ina ni Jaime, at si Salome ay bumili ng mga pabango para pumunta at pahiran si Jesus. At dumating sila sa libingan kinaumagahan ng unang araw ng sanlinggo.
Pinag-usapan nila: “Sino ang magpapagulong at mag-aalis sa malaking bato sa bukana ng libingan?” Ngunit pagtingin nila’y nakita nilang naigulong na ang bato – napakalaki nga niyon.
Kaya pumasok sila sa libingan at nakita nila ang isang binatang nakaputi na nakaupo sa kanan, at takang-taka sila. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong matakot. Di ba’t si Jesus na taga-Nazaret, ang ipinako sa krus, ang hinahanap ninyo? Binuhay siya at wala siya rito. Hayan ang lugar kung saan siya inilagay. Ngunit humayo kayo at sabihin sa mga alagad niya at pati kay Pedro na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya matatagpuan gaya ng sinabi niya sa inyo.”
Pagninilay
Wala na silang nadatnan. Wala na roon sa libingan ang pinaghandaan nilang pahiran ng pabango. Sa kabila ng marubdob na pagdadalamhati at pagluluksa, marahil ay mas nagpabigat pa sa kanilang kalooban nang masaksihan nilang wala na roon si Jesus. Ang huling sulyap na lamang sana sa kanyang mga labí ang magpapagaan ng kanilang kalooban. “Binuhay siya at wala siya rito!” Ang mensaheng ito na kanilang narinig ang nagbigay ng bagong kahulugan sa salitang “wala siya rito.” Bagama’t wala ng laman ang libingan, nagbigay ito ng bagong pag-asa at galak. Nawa, sa pamamagitan ng ating pananampalataya ay makita rin natin ang pag- asa at maramdaman ang galak maging sa mga panahong tila wala rito ang Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021