Ebanghelyo: Juan 5:17-30
Sumagot naman si Jesus sa kanila: “Gumagawa pa rin ang aking Ama kaya gumagawa rin ako.” Kaya lalo pang hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil dito sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos. Kaya sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Talagangtalagang sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ng anuman sa sariling kusa ang Anak maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, ganoon din ang paggawa ng Anak. Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at itinuro niya sa kanya ang lahat niyang ginagawa. At mas mahalaga pang mga gawa ang ituturo niya kayat mamamangha kayo. Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at binibigyangbuhay; gayundin naman binibigyang-buhay ng Anak ang sinumang loobin niya. At hinding-hindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman kundi ibinigay niya sa Anak ang buong paghatol at pararangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nagpadala sa kanya. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay magpakailanman ang nakikinig sa aking salita at naniniwala sa nagpadala sa akin. Nakatawid na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay, at hindi siya humahantong sa paghuhukom. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at mabubuhay ang mga nakaririnig. May Buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman, ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. At ibinigay din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom sapagkat anak siya ng tao. Huwag n’yo na itong pagtakhan: dumarating ang oras na maririnig ng lahat ng nasa libingan ang tinig niya at magsisilabas sila: sa pagbangon sa buhay ang mga gumawa ng mabuti, at sa pagbangon naman sa kapahamakan ang mga gumawa ng masama. Wala akong magagawa sa sariling kusa. Ayon sa naririnig ko ako naghuhukom. At matuwid ang paghuhukom ko dahil hindi sariling kalooban ang hangad ko kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin.
Pagninilay
“Si Jesus ang tunay na “lodi” at bida sa ating buhay.” Marami tayong hinahangaang mga bida sa pelikula. Sila yung mga tao na kayang talunin na mag-isa ang kalaban. Hindi tatakbo. Hindi uurong sa panganib. Laging panalo. “Lodi” (idol) natin sila. Pero, ang totoo, marami sa mga bidang ito ay kathang isip lang. At kung mayroon mang tunay na bida na dapat nating hangaan, at maaaring matularan, ito ay ang ating Panginoong Jesus. Dahil sa pagpapagaling Nya sa paralitiko na ating ebanghelyo kahapon, nakasilip ng butas ang mga Judio na usigin sya. Subalit na “under estimate” ang Panginoong Jesus. Ang pag-uusig na akala nila ay magdadala kay Jesus na tumakbo sa takot ay naging dahilan upang siya’y magpapatotoo kung kanino at saan nanggagaling ang kanyang kapangyarihan at kung ano ang dahilan ng kanyang mga pagsalungat sa mga di makataong kautusan. Kahanga-hanga ang tapang ng loob at paninindigan ni Jesus sa katotohanan. Hindi Siya umurong sa harap ng pag-uusig, sino man at gaano man karami ang kalaban. At ito ay hindi kwentong pelikula lang kundi tunay at natala sa kasulatan. Kaya nga, kung si Jesus ang tunay na “lodi” at bida sa ating buhay, ililigtas nya tayo sa ating mga kaaway at pagkakalooban ng walang hanggang buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025