Ebanghelyo: Mateo 26:14-27:66
At pumunta sa mga punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi: “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo?” Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya.
Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” Sumagot si Jesus: “Puntahan ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: ‘Sinasabi ng Guro: malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad’.”
At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at inihanda ang Paskuwa.
Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Jesus kasama ng Labindalawa. Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?”
Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin. Patuloy sa kanyang daan ang Anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.” Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Jesus: “Ikaw na ang nagsabi.”
Habang sila’y kumakain, kinuha ni Jesus ang tinapay, at matapos magpuri sa Diyos, pinaghati-hati niya iyon at ibinigay sa mga alagad habang sinasabing “Kunin ninyo at kanin; ito ang aking katawan.” Pagkatapos ay kinuha niya ang kalis, nagpasalamat siya at ibinigay sa kanila habang sinasabi: “Inumin ninyong lahat ito. Ano ang inyong pasya?” Sumagot sila: “Kamatayan ang dapat sa kanya!”
Pagninilay
Nagsimula na ang Semana Santa kung saan inaalala natin ang pagpapakasakit ng Panginoong Jesus. Ipinagkanulo siya ng isa sa matalik na kaibigan, si Judas. Nilibak ng mga taong nais siyang mamatay. Tatlong beses siyang itinatwa ni Pedro na nangakong di siya iiwan. Dinala siya ng mga punong pari at mga Hudyo kay Pontio Pilato upang hatulan. Bagama’t walang nakitang kasalanan, hinayaan ni Pilato ang mga tao sa nais nilang palayain si Barabas kaysa kay Jesus. Naghugas ng kamay si Pontio Pilato.
Naghugas-kamay ang lahat. Walang gustong umangkin sa kanilang pag-akusa at paghatol na ipapatay si Jesus. Tahimik na tinanggap ni Jesus ang lahat. “Ako na lang…dahil mahal ko kayo…” Tinanggap ni Jesus ang lahat sa pag-ibig…ang pag-ibig na handang mag-alay ng kanyang sarili.
Ilang beses na ba tayong naghugas-kamay sa ating mga kasalanan? Ilang beses na nating pinagkanulo ang Panginoon sa paggawa ng mga bagay na labag sa kanyang mga turo? Ilang beses na nating itinatwa si Jesus sa pagiging bulag sa mga nasa laylayan ng lipunan, mga dukha at mga nangangailangan? Ngayong Semana Santa, samahan natin si Jesus sa kanyang pagpapakasakit sa pamamagitan ng ating pagninilay, pagdarasal at pagtitika.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023