Ebanghelyo: Juan 18:1 – 19:42*
(…) Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang Kanyang ina at ang kapatid na babae ng Kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa alagad na mahal Niya na nakatayo sa tabi, sinabi Niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” pagkatapos ay sinabi naman Niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon, tinanggap Siya ng alagad sa Kanyang tahanan.
Pagkaraan nito, alam ni Jesus na ngayo’y natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang Kasulatan, at sinabi Niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan doon na puno ng maasim na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang isang esponghang ibinabad sa alak at idiniit sa Kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi Niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo’y ibinigay ang Espiritu.
Dahil paghahanda noon, ayaw ng mga Judio na mamalagi sa krus ang mga katawan sa Araw ng Pahinga sapagkat dakilang araw ang Araw na iyon ng Pahinga. At ipinakiusap nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin.
Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at ng isa pang kasama Niyang ipinako sa krus. Ngunit pagsapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na Siya kaya hindi nila binali ang Kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang Kanyang tagiliran, at biglang may umagos na dugo at tubig. Ang nakakita ang nagpapatunay, at totoo ang Kanyang patunay. At Siya ang nakaaalam na totoo ang sinasabi Niya para maniwala kayo.
Gayon kailangang maganap ang Kasulatan: Walang babaliin sa Kanyang mga buto. At sinasabi ng isa pang Kasulatan: Pagmamasdan nila ang kanilang sinibat.
Pagkatapos ay nakiusap kay Pilato si Joseng taga- Arimatea – alagad nga Siya ni Jesus pero palihim dahil sa takot sa mga Judio – upang maalis Niya ang katawan ni Jesus. At pinahintulutan Siya ni Pilato. Kaya pumaroon Siya at inalis ang katawan Niya. (…)
Pagninilay
Walang may lalong dakilang pag-ibig kay sa rito, na ialay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan.” (Jn 15:13) Hanggang saan tayo kayang dalhin ng ating pag-ibig? Hanggang ano ang makakaya nating isakripisyo para sa isang kaibigan? Ganun na nga lamang kadakila ang pag-ibig ni Jesus sa bawat isa sa atin kung kaya’t dinala ito hanggang sa kamatayan sa Krus. Habang pinagmamasdan natin ang lupaypay na katawan ni Jesus na nakapako sa krus, lubusan nawa nating mawari kung gaano niya tayo kamahal, tayong mga taong makasalanan. Banal ang araw na ito ng Biyernes Santo. Hindi dahil sa pag-alala sa kanyang kamatayan, ngunit dahil sa dakila niyang pag-ibig at sa handog niyang kaligtasan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021